Sex at sakit sa puso
Dear Doc Willie, ako’y 71 years old at may sakit sa puso. Dok, titigil ba ang puso ko kapag nakipag-sex ako?— Paul
Dear Paul, Sa tono ng iyong tanong, nahulaan kong wala kang balak makipag-sex sa iyong misis. Ayon sa pagsusuri, mas walang panganib makipagtalik kay misis (o sa iyong usual partner) dahil mas kaunti ang lakas na iyong gagamitin. Ngunit kung makikipag-sex ka sa nakababatang partner, magkakaroon ng dobleng stress sa iyong puso. Dahil mas excited ka, bago ang inyong tagpuan at may balak kang patunayan sa iyong pagkalalaki.
Ayaw ko mang isulat, pero ito ang mga safety tips sa ganitong sitwasyon: (1) Inumin muna ang regular na gamot bago makipag-sex tulad ng gamot sa puso, alta-presyon at iba pa; (2) Hayaang magtrabaho sa ibabaw ang nakababatang kapareha, (3) Huwag makipag-talik ng bagong kain, maghintay muna ng dalawang oras; (4) Itakda ang pakikipag-sex sa umaga, para may lakas pa, at (5) Humingi ng medical clearance sa iyong doktor, o dili kaya ay magpabantay sa doktor!
Dear Doc Willie, bakit mabilis ang tibok ng puso ko kapag ako’y ninenerbiyos? Ano ang first aid sa ganitong kalagayan?
Ang katawan natin ay naglalabas ng isang kemikal na tinatawag na epinephrine. Ito’y ginagamit ng ating katawan kung may peligro. Nakarinig ka na siguro ng taong binuhat ang muwebles nila sa oras ng sunog. Iyan ang taglay ng epinephrine. Sa pagkakataon na kayo ay nagalit, nagtatalumpati, o may matinding problema, ay naglalabas ng epinephrine ang katawan. Dahil dito, bumibilis ang tibok ng iyong puso.
Para sa mga may nerbiyos, nagbibigay ako ng isang pangpakalmang gamot tulad ng Bromazepam 1.5 mg (brand name Lexotan) na maihihingi ng reseta sa doktor. Mabisa ito.
Pero may natural ding paraan para labanan ang kaba. Umupo sa isang tabi. Huminga nang malalim at mabagal ng walong beses. Gamitin ang imahinasyon para makalikha ng isang matahimik na lugar sa iyong isipan. Ok lang iyan kaibigan, relax ka lang.
- Latest