EDITORYAL - Batik sa uniporme ng PNP
HINDI makaangat sa mababang rating ang Philippine National Police (PNP) kung ang pag-uusapan ay ang pagtingin sa kanila ng mamamayan. Bagsak sila! Mababa ang pagkilala sa kanila. At walang nakaaalam kung kailan maaalis ang mababang pagtingin sa kanila ng mamamayan.
Sa sitwasyong ito, walang ibang dapat sisihin kundi ang mga pulis na rin. Walang ibang nagpaparumi sa kanila kundi sila na rin. Dinudumihan nila ang sarili. Sa halip na alagaan at ingatan ang imahe, inilublob nila sa putik ang kanilang uniporme. Kaya hindi masisisi ang taumbayan kung mababa ang tingin at wala nang respeto sa kanila. Karamihan sa mga tao, makita lamang ang uniporme ng pulis ay masama na ang iniisip ----hulidaper, mangongotong, corrupt at protector ng masasamang loob. Sabi nila, kung ikaw daw ay nangangailangan ng biglaang tulong, huwag kang tatawag ng pulis sapagkat lalo kang mapapahamak. Hindi ka maililigtas.
Bagama’t may mga pulis na mabubuti pa rin, mas nakalalamang ang naliligaw ng landas. Sa kabila na marami nang mga kapalpakang ginawa ang mga pulis, marami pa rin ang hindi nagkakaroon ng leksiyon. Paulit-ulit ang kanilang kapalpakan.
Kagaya ng isang pulis sa Quezon City na nakilalang si SPO3 Enrique Galapate, 54. Nahaharap sa mga kaso si Galapate at maaaring matanggal sa serbisyo. Sinampahan siya ng kasong physical injury, alarm and scandal at dalawang counts ng grave threats.
Ayon sa report, nagtungo sa isang vulcanizing shop si Galapate at inutusan ang dalawang lalaking attendants na i-vulcanized ang gulong ng kanyang sasakyan. Nang matapos i-vulcanized, nag-demand ng bayad ang mga attendant. Nagalit si Galapate, na noon ay lasing at binunot ang baril. Nagtakbuhan sa takot ang dalawang attendants. Lalong nagalit si Galapate at pinaputukan ang dalawang attendant. Hindi tinamaan ang dalawa pero isang matandang babae na noon ay nasa kanyang bilyaran ang tinamaan sa braso at suso. Nasa kritikal na kalagayan ang babae. Tumakas si Galapate pero nahuli ng mga kapwa pulis.
Habang dinudumihan ni Galapate ang imahe ng PNP, tatlo namang hepe ng pulisya sa Metro Manila ang sinibak dahil sa “pagdoktor†sa mga ini-report na krimen sa nasasakupan. Binabawasan umano ng mga hepe.
Lalo pang dumudumi ang uniporme ng mga pulis. Kailan magkakaroon ng pagbabago sa kanilang hanay?
- Latest