^

Punto Mo

‘Mula sa slot machine’

- Tony Calvento - Pang-masa

WALANG masasayang kung gagamitin sa mabuti at marami ang makikinabang.  May mga bagay na kahit sira na ay maaari pang ayusin, i-recycle at gamitin sa ibang bagay. Isa ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa naglalayong gawan ng paraan ang mga lumang ‘slot machine stands’ upang gawing ‘school desks’ sa halip na itapon na lamang ito. Ang mga magagawang mesa ay ipamamahagi sa mga pampublikong paaralan sa buong Metro Manila at sa mga kalapit na probinsya. Ayon sa PAGCOR Assistant VP para sa Corporate Communications na si Maricar Bautista na ang ahensya lamang marahil ang natatanging ‘casino operator’ sa buong mundo na gumagamit ng mga patapon nang parte ng mga slot machine stand upang gumawa ng mga pampaaralang mesa.

“Inipon namin ang mga lumang kahoy na ginamit na patungan ng mga slot machine mula sa mga sangay ng Casino Filipino sa Metro Manila at dinala sa PAGCOR warehouse sa Imus, Cavite upang gawing mesa. Sinimulan namin ito nung 2010 bilang kontribusyon sa kakulangan ng mga gamit pang-paaralan,” wika ni Bautista. Dagdag pa ni Bautista na ito ay isang patunay lamang na ang mga Pilipino ay malikhain. “Tulad ng madalas nating sabihin, sa Pilipinas lang tayo makakakita ng ganito ka-unique na idea. Walang tapon ang bawa’t piraso ng slot machine stand, ang bawat bahagi ay gagamitin sa paggawa ng mga mesa at dahil matibay ang kahoy na ginamit namin dito, matibay ang produktong school desk ng PAGCOR,” paliwanag pa ni Bautista.

Ang PAGCOR ay nakapagbahagi na ng 1,160 school desk sa labing siyam (19) na mga pampublikong paaralan. Ang mga mesang ginagawa ng ahensya ay binubuo ng two-seater at three-seater na uri depende sa pangangailangan ng mga eskwelahan. Para sa may mga maliliit na silid-aralan ang kanilang kailangan ay ang three-seater na yunit upang mas marami pang mga estudyante ang makinabang. Ang bawat yunit ay sapat na para sa mga bata upang maging maginhawa sa oras ng kanilang klase. Nagkakahalaga ng P600 ang bawat mesa, ito ay mas mura kung ikukumpara sa mga binebenta na umaabot sa halagang P2,000 hanggang P2,500 kada yunit. Ang ilan sa mga nakatanggap na nang PAGCOR’s school desk ay ang dalawang day care center at tatlong pampublikong elementaryang paaralan sa Lungsod ng Pasay, Cavite at Oriental Mindoro. Nagbigay ang PAGCOR ng 100 yunit two-seater desk sa Benito Villar Elementary School sa Baco, Oriental Mindoro. Sa kabilang banda, ang Aguinaldo Elementary School at Gov. D.M. Camerino Elementary School mula sa Cavite ay tumanggap pareho ng 80 pirasong two-seater desk. Habang ang Regal Day Care Center sa Cavite ay nakatanggap ng 25 yunit ng three-seater desks, samantalang ang Barangay 7 Day Care Center sa Pasay ay nakakuha ng 10 pirasong three-seater desks. Nagpasalamat ang guro ng Regal Homes Day Care Center na si Magie Tacaad sa ibinigay ng PAGCOR para sa kanyang 84 na mga mag-aaral. Wika pa niya, “dati, dahil magaan ang mga plastic na mesa at upuan na gamit namin, laging nagagalaw kaya’t hindi makapag-focus ang mga bata tuwing klase. Ngayon, nabawasan ang kalikutan nila dahil hindi basta mauurong ang mga school desk na gawa ng PAGCOR dahil matibay at mabigat.” “May pagkakataon kasi na may isang batang nadisgrasya nang tumuntong sa plastic chair kaya’t naisip kong mas maganda kung ang upuan nila eh yung matibay at hindi basta-basta mahahatak.  Mabuti at napagbigyan ng PAGCOR ang hiling namin na school desk na bukod sa napakaganda na ay makikinis pa kaya’t talagang komportable ang mga bata sa kanilang pag-aaral,” sabi naman ni Nida Zablan na Day Care Worker ng Barangay 7 Day Care Center sa Pasay.

Bukod sa mga recycle na mga mesa, ang PAGCOR ay katuwang rin ng proyektong Pnoy Bayanihan kung saan gumagawa ito ng mga pampaaralang upuan para sa mga pampublikong paaralan mula sa mga ilegal na troso. Ang proyektong ito ay magkasamang tinataguyod ng Department of Education (DepEd), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).  Kamakailan lamang  ang ilan sa mga naging benepisyaryo ng proyektong Pnoy Bayanihan ay ang San Antonio Elementary School sa Quezon City (500 armchairs) at ang Upper Bicutan Elementary School sa Taguig City (200 armchairs).  Ang bilang ng mga naipamahaging mga upuan ay sumapat sa kakulangan nito sa mga pampublikong paaralan. Sa patuloy na pagsuporta ng PAGCOR sa sektor ng edukasyon sa ating bansa siguradong magiging masipag at aktibo ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral at maipagpatuloy ang kanilang mga pangarap sa buhay.

(KINALAP NI CARLA CALWIT) Sa gustong dumulog para sa inyong problemang legal, ang aming numero 09213784392 (Carla) /09213263166 (Chen) / 09198972854 (Monique) at 09067578527 (Mig). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038.  Maari rin kayong pumunta sa 5th floor CityState Centre bldg. 709 Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami mula Lunes-Biyernes 9:00 AM-5PM.

 

vuukle comment

BAUTISTA

CAVITE

DAY CARE CENTER

METRO MANILA

ORIENTAL MINDORO

PAGCOR

PASAY

SCHOOL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with