Davantes slay masalimuot pa rin!
Bagamat lima na sa anim na sinasabing suspect na sangkot sa pagpaslang kay Kae Davantes ang naaaresto hindi naman kumbinsido ang kaanak ng biktima na holdap o carÂnapping lamang ang motibo sa isinagawang krimen.
Kung sabagay, mukhang masalimuot pa rin ang tunay na motibo kahit pa nga marami na sa mga suspect ang umamin sa naganap na pagpaslang kay Kae.
Sa pahayag ng tiyuhin ni Kae na si Vincent Davantes marami pa silang mga kuwestiyon na hindi nabibigyan ng kasagutan kaugnay sa naganap na pagpaslang sa kanyang pamangkin.
Kaya nga humihiling pa sila ng mas malawak o malalim pang imbestigasyon sa kaso.
Meron din daw pagkakaiba sa salaysay ng mga nadakip at sumukong mga suspect.
Kung sabagay noong unang matagpuan ang bangkay ni Kae sa ilalim ng tulay sa may Silang, Cavite una nang isinantabi ang anggulo ng robbery dahil suot pa nito ang ilan niyang alahas.
Pinatunayan ito ni Vincent dahil suot pa raw ng kanyang pamangkin ang engagement ring nito na may brilyantes at relo na hindi kinuha ng mga salarin kung talagang holdap lamang ang kanilang pakay.
Kung karnap naman, nakuha na nila ang sasakyan eh bakit isinama pa hanggang Cavite si Kae.
Marami pang kuwestiyon ang pamilya Davantes sa motibo, maging ang tunay na utak sa ginawang pagpaslang.
Magkatuwang sa paglutas sa kaso ang NBI at PNP sa ilalim ng binuong Task Force Kae. Magugunitang ang unang suspect na si Samuel Decimo ay unang nadakip ng NBI.
Malaki rin ang tanong ng pamilya Davantes kung bakit hindi naipakita ni Decimo sa isinagawang reenactment kung paano nila hinoldap si Kae at ang ipinakita lamang ay ang ginawang pagdukot, pagpatay at pagtatapon dito.
Nilinaw naman ng pulisya na hindi pa naman nila tuluyang isinasara ang kaso at paÂtuloy pa rin ang imbestigasyon sa iba pang motibo sa krimen.
Gayunman, kumbinsido silang ang mga naarestong suspects ay sangkot sa kaso.
- Latest
- Trending