EDITORYAL - Mga bayaning natumba sa Zamboanga
MAHIGIT dalawang linggo na ang bakbakan sa Zamboanga City. Hanggang ngayon mayroon pa ring nangyayaring putukan. Kahit na nagbalik na ang ilang mga tao sa kanilang bahay at may nagbukas nang mga tindahan, marami pa rin ang natatakot sapagkat may naglulungga pa ring MNLF. Hindi pa rin nakakasiguro na wala nang mga “kampon†si Misuari sa lungsod. Nasa 12 sibilyan ang napatay at 72 ang nasugatan sa labanan.
Itinuturing namang mga tunay na bayani ang limang sundalo na napatay habang nasa kasagsagan ang labanan. Karamihan sa mga napatay ay tinamaan sa ulo makaraang targetin ng snipers. Tatlo sa mga napatay na sundalo ang dinalaw ni President Aquino at pinagkalooban umano ng P250,000 cash ang mga naÂulila. Unang dinalaw ng Presidente si 1st Lt. Christopher Rama sa Norzagaray, Bulacan. Umano’y nakatawag pa si Lt. Rama sa kanyang asawa at binati ito ng happy birthday. Nasa gitna umano ng pakikipaglaban sa Bgy. Sta. Barbara si Rama nang tumawag sa mahal na asawa. Pagkatapos umanong batiin ang asawa, nasapol ng bala ng sniper ang tenyente.
Sunod na pinuntahan ni P-Noy si 2nd Lt. Florencio Michael Meneses sa Pulilan, Bulacan at pagkaraan ay si 1st Lt. Francis Damian na ibinurol sa Camp AguinaldoÂ, Quezon City.
Ang tatlo ay namatay na nakikipaglaban. Hindi sila natakot maipagtanggol lamang ang lungsod laban sa mga tauhan ni Misuari. Itinaya nila ang buhay para mapigilan ang paghahasik ng lagim ng MNLF sa mga residente.
Hindi sila makakalimutan. Mas maaalala pa sila kaysa sa mga mambabatas na sangkot sa pork barrel scam. Masasambit pa ang kanilang pangalan kaysa mga pulitikong walang kabusugan sa kapangyarihan. Kung tutuusin, karampot lamang ang pinagkaloob na P250,000 ni P-Noy sa kanila kaysa sa milyones na kinulimbat ng mga mambabatas sa pondo ng bayan.
Saluduhan ang mga bayaning natumba sa ZamboangaÂ.
- Latest