EDITORYAL- Magulong barangay at SK elections
NAKAKATAKOT ang forecast ng Commission on Elections (Comelec) sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections. Ayon sa ComelecÂ, magiging magulo at madugo ang barangay at SK elections sa Oktubre 28. Mas magiging madugo pa raw ang barangay/SK elections kaysa nakaraang May 13, 2013 elections. Patunay daw ang mga insidente ng pag-ambush na iniuugnay sa nalalapit na barangay/SK elections.
Ayon kay Comelec chairman Sixto Brillantes, ang pag-ambus kay election officer Atty. Arsenio Reyes Jr. sa Gapan City, Nueva Ecija ay isang maliwanag na ugnay sa nalalapit na election. Hindi umano pinayagan ni Reyes ang isang kandidato na mailipat ang voter’s registration nito.
Ayon pa kay Brillantes, maaaring magkaroon ng dayaan sapagkat mano-mano ang gagawing election. Tiyak daw na gagawin lahat ng mga kandidato ang paraan para manalo. Ito ang dahilan kaya nasabi ni Brillantes na magiging madugo ang barangay/SK election.
Maaaring may katotohanan ang mga sinabi ni Brillantes na magiging magulo at madugo ang elections. Noong magkaroon ng voters registration ay nakita na kung gaano karahas ang elections. Halos magpatayan ang mga nagparehistro sa huling araw ng deadline sa pagpaparehistro. Nakapagtataka ang pagdagsa ng mga nagparehistro gayung ilang buwan lang ang nakararaan mula nang idaos ang May 13 elections. Nakapagtataka rin na hinakot ng mga multicab ng barangay ang mga magpaparehistro.
Kung sa pagpaparehistro pa lamang ay magulo na, paano pa kung eleksiyon na. Tiyak na magpapatayan para lamang manalo sa puwesto sa barangay.
Mas maganda kung buwagin na ang SK para hindi makadagdag sa gulong mangyayari sa barangay electionsÂ. Wala rin namang nagagawa ang SK chairman at natututo lamang maging corrupt. Kung wala na ang SK, mababawasan ang gulo at gastos kung election. At ang mas maganda, maiiwasan na rin ang dynasty sa barangay. Maski sa barangay uso na ang pagsasalin ng pamumuno sa anak, asawa at mga kaanak. Sila-sila ang naghahari sa barangay.
- Latest