EDITORYAL - Tigil pork
MAGANDANG pangitain ang ginawa ng Supreme Court nang pigilan ang pagpapalabas ng natitirang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel para sa 2013. Ang ganitong pasya ay maaaring magbigay ng kapanatagan sa mga nagagalit na mamamayan kaugnay sa nilustay na pondo na ang “utak†ay si Janet Lim-Napoles. Nasa kulungan na si Napoles makaraang sumuko kay President Aquino. Nakatakda na siyang sampahan ng plunder sa Biyernes o sa Lunes, ayon sa report. Kumita si Napoles ng P10-bilyon sa PDAF ng mga mambabatas. Bukod kay Napoles, inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaso sa mga mambabatas na sangkot sa pork barrel scam. Tatlong senador umano ang maaaring kasuhan.
Nasa P24.79-billion ang PDAF na ipinag-utos ng SC na huwag i-release. Bukod sa PDAF, iniutos din na huwag ilabas ang portion ng Malampaya Funds. Kamakailan lang, sinabi ni President Aquino na suspendido ang pagpapalabas ng natitirang PDAF ng mga mambabatas ngayong taon na ito. Bago ang malawakang “Million People March†noong Agosto 26, 2013, inihayag ni Aquino na panahon na para buwagin ang PDAF. Pero natuloy pa rin ang martsa sa Luneta at bawat isa ay galit na sumigaw na buwagin ang pork barrel. Kahapon, isang vigil ang ginawa sa EDSA Shrine na dinaluhan ng daang katao. Hiling din nila na buwagin nang tuluyan ang pork barrel.
Sa ginawang pagsuspende ng Kataastaasang Hukuman sa natitirang pork barrel ng mga mambabatas para sa 2013, ipinahihiwatig na maaaring makapangyari sa hinaharap ang kahilingan ng mamamayan. Maaaring hindi na magtatagal at tuluyan nang hindi maihahain ang kinatatakamang pork barrel.
- Latest