Babae, kumakain ng triple-decker burger na-dislocate ang panga
PABORITO ni Nicola Peate ng Ormskirk, Lancashire, ang hamburger. Mahilig siyang kumain ng mga pinagpatung-patong na burger gaya nang ginagawa ngayon ng mga fastfood restaurants.
Ayon kay Nicola, nagtungo siya sa paboritong Liverpool’s Almost Famous restaurant at nag-order ng triple-decker burger. Nang ihain ang magkakapatong na burger, naglalaway na si Nicola. At sinimulang niyang kainin ang triple-decker. Ibinuka niya nang malaki ang bibig para maisubo ang patong-patong na burger. Kinagat niya. Nginuya. Pero nakakailang nguya pa lang ay hindi na maigalaw ni Nicola ang bibig. Hindi na niya maibuka ang bibig.
Isinugod si Nicola sa Royal Liverpool University Hospital. Doon natuklasan na siya ay may Ehlers-Danlos syndrome. Ito ay isang kondisyon unstable ang kasu-kasuan (joints) sa panga.
Ayon kay Nicola, hindi niya akalain na ganoon kagrabe ang injury niya sa panga. Ganunman balak pa rin niyang ipagpatuloy ang pagkain ng hamburger. Puwede raw naman niyang hati-hatiin ang burger at saka isusubo nang unti-unti. Hindi na niya ibubuka nang malaki ang bibig.
- Latest