EDITORYAL - Siyasatin kaya si Torres?
SABI ng Department of Transportation and Communications (DOTC) paiimbestigahan daw si Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres makaraang kumalat ang video sa Youtube na naglalaro ng slot machine sa isang casino. Sa video, makikita si Torres na nakaupo sa harap ng machine. Kahapon, isang video na naman ang lumabas at nagpapakitang naglalaro nga si Torres. Una nang sinabi ng LTO chief na hindi siya naglalaro ng slot machine kundi lumapit lang daw siya roon dahil naakit siya sa mga ilaw. Pero sa huling video na pinakita sa TV Patrol kahapon, makikitang naglalaro nga si Torres.
Bawal sa mga opisyal ng pamahalaan na magsugal o maski pumasok sa mga bahay pasugalan. Sa Memorandum Circular No. 8 na inisyu ng Malacanang noong 2001, ang mga head ng departments, bureaus at mga offices ay pinagbabawalang magsugal o magtungo sa mga casino o sugalan. May katapat na parusa ang mga lalabag sa kautusan.
Kahapon, marami ang nagsabi na hindi mapaparusahan si Torres kahit pa mayroong batas na nagbabawal sa mga katulad niya na magsugal. Si Torres ay kaibigan ni President Aquino at “kabarilan†niya ito. Malalim ang pagkakaibigan ng dalawa. Dalawang taon na ang nakararaan, ang presidential adviser na si Ronald Llamas ay nahulihan ng Ak-47 sa sasakyan at nahuli ring bumibili ng pirated CDs sa isang mall sa Quezon City. Pero hindi siya pinagalitan ni Aquino. Si Llamas at si Torres ay “kabarilan†ni Aquino.
Marami na ring pinuno ng departamento ang sinermunan ni Aquino at ang ilan ay nagbitiw na sa puwesto makaraang makatikim ng sermon. Makatikim kaya si Torres ng sermon mula sa Presidente?
Sana nga tuparin ng DOTC na sisiyasatin si Torres sa isyung ito. Kapag walang nangyaring pagsisiyasat, walang ibang mapipintasan dito kundi si Aquino mismo. Hindi ito tumutugma sa “tuwid na daan†na kanyang sinasabi.
- Latest