^

Punto Mo

‘Laban sa kapirasong lupa’

- Tony Calvento - Pang-masa

HAYAAN mong nakabuyangyang ang lupa at mag-iwan ng kahit isang butil ng binhi…magkaka-ugat, uusbong at magbubunga ito. “Binilinan lang silang bantayan pero binakuran na nila. Hindi na kami makatuntong sa sarili naming lupa,” sabi ni ‘Alex’.

Nagsadya sa aming tanggapan si Alexander Nacor o Alex, 51 anyos ng Malabon City. Ayon kay Alex, dahil sa kagustuhan ng kanyang biyenan at huling habilin sa kanila kaya daw sila nagpupursige na mabawi ang lupa sa Recto Ext., Tondo, Manila. “Kunin ninyo ang lupa kay ‘Alma’. Malinis ang titulo ng lupang iyan,” pakiusap umano ng biyenan bago mamatay. Dating sundalo ng Philippine Army, Tanay, Rizal si Alex-- tubong-Leyte. Nagsimula siya sa serbisyo taong 1982 at nag-AWOL (Absent Without Official Leave) nung taong 1991. Nung aktibo pa si Alex---taong 1984, nadestino siya sa Fort Bonifacio, Camp Aguinaldo. Tuwing ‘off duty’ tumutuloy siya sa Magsaysay, Tondo, Manila sa kapatid at ibang kamag-anak.

Dito niya nakilala si Carmelita “Melli’ Unasco ng Delpan—26 na taon na niyang kinakasama. Tapos ng Secretarial Course at Commerce Student nun sa National College of Business Administration. Palaban. Ganito sinalarawan ni Alex si Melli at ang pamilya nito na mga aktibista nung panunungkulan ni dating Presidente Ferdinand E. Marcos. ‘Second cousins’ sina Melli at Alex. Pinsang buo ng tatay ni Alex na si Antonio ang ina ni Melli na si Maria. Dahil mga aktibista galit sila Melli kay Alex na isang sundalo subalit niligawan pa rin niya ang dalaga. Naging malapit si Alex sa pamilya ni Melli maging sa dating ‘best friend’ nito na si Alma Jane Raquin, 58 anyos na ngayon. Taga Laoang, Samar si Alma nakapag-asawa ito ng kapitan ng isang barko. Nangupahan silang pamilya sa Tondo, malapit kina Melli. Taong 1985, kwento ni Alex, nagtago ang pamilya Unasco matapos umano malamang pinapa-‘hunting’ silang mga aktibista. Tumuloy sila sa Dagat-Dagatan, Caloocan City sa mga kamag-anak.  Walang naiwan sa bahay nila sa Tondo. Ang naiisip na paraan ng ama nilang si Isidoro Unasco, dating Marine Engineer ay patirahin daw si Alma sa kanilang bahay. “Pina-upa siya sa bahay. Siya na din ang pansamantalang tatao. Yun daw ang usapan,” ani Alex.

Sunud-sunod ang naging problema ng pamilya Unasco. Nagipit sila at umutang si Isidoro kay Alma ng katorse mil. Nang mag-retiro siya taong 1989 nabayaran naman daw ito. Ginamit rin nila ang nakuhang retirement pay ni Isidoro sa pagtubos sa lupang ito-- na naisanla taong 1970 sa Capitol Bank. Tumuloy sila sa Cavite sa bahay ng kamag-anak. Patuloy ang pagtira ni Alma sa bahay sa Tondo. Taong 1991, napansin na lang nilang pinag-iinteresan na raw ni Alma ang bahay mula ng malamang natubos na at  naibalik daw sa pangalan ni Isidoro. Isang araw pumunta daw itong si Alma sa Dagat-Dagatan at hinahanap ang titulo. Nang tanungin nila kung bakit, matigas na sagot umano nito, “Mas magandang may pinanghahawakan ako!” Sa tono ni Alma parang may utang ang pamilya Unasco sa kanya. Giit nito, hindi pa bayad ang hiniram na pera ni Isidoro. Taong 2003, nakarating na lang sa kanilang may pinanghahawakang Deed of Sale ng lupa si Alma. Sa kopya ng Deed of Sale na pinakita sa amin ni Alex, nakasaad na ang 39.30 metro kwadrarong lupa ni Isidoro ay binenta sa kanya sa halagang Php18,000 nung ika-17 ng Hunyo 1986. Ang dokumentong ito ay notaryado ni Atty. Manuel Melo ika-31 ng Disyembre parehong taon. Hindi lang daw si Alma ang nagkainteres sa ari-arian ni Isidoro. Nagkaroon na rin daw ng pag-aaway ang pamilya Unasco dahil sa lupa nila sa Cavite. Taong 2006, nagka-‘gangrene’ impeksyon sa paa si Isidoro. Hindi na ito nakalakad at naging baldado. “Iniwan siya ng pangalawang pinakasalan niya na si Victoria. Simula nun kami na nag-alaga sa kanya,” pahayag ni Alex. Buwan ng Hulyo 2008 bago ito mamatay ilang ulit daw binanggit ni Isidoro ang lupa sa Tondo. “Bawiin niyo ang lupa kay Alma. Malinis ang titulo nun. Wala akong utang kay Alma,” pahayag daw ni Isidoro. Nagka­barangayan na sila Alex sa Brgy. Delpan 861-Tondo. Binigyan sila ng kopya ng Deed of Sale na hawak ni Alma subalit wala na daw nangyari. Gustong matiyak nila Alex kung tunay ba ang pinangha­hawakang dokumento ni Alma dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan.

Itinampok namin si Alex CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN). SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Alex na hindi nila basta pwedeng mabawi ang lupa lalo na’t ayon na din sa kanila marami ang naghahabol dito. Sa sukat ng lupa na halos 40sqm kaila­ngan itong hatiin sa kung ilang magkakapatid sina Melli. Kung sa anim, lumalabas na tig 6.6 metro-kwadraro sila. Sa liit ng partihan, diniretso namin si Alex kung ano bang plano nila sa lupa at mabilis niyang sinagot na, “Gusto ng magkakapatid ibenta na lang.” Para sa pag-aasikaso ng mga dokumento ng lupang ito, kailangan ni Alex ng ‘Special Power of Attorney’ (SPA) para magpatunay na siya ang inaatasan ng magkakapatid na Unasco sa paglakad ng ari-ariang naiwan ng kanilang ama. Kailangan pirmahan ito ng anim na magkakapatid. Kapag nagkaroon siya ng SPA, ire-refer namin siya sa ‘Questioned Documents Division’ ng Philip­pine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation (NBI). Dalhin niya ang deed of sale at anim na dokumento na may pirma ni Isidoro (specimen signature).  Kailangan suriin bago makapagdesisyon ang mga eksperto dito kung totoo o peke ang dokumento. Umpisa pa lamang ito. Kapag peke kailangan silang magsampa ng Annulment of Sale with Reconveyance and Damages. Kapag nagawa na yun kailangan din magkorte silang muli para sa ‘Quieting of Title’ dahil maraming naghahabol. Ilang beses na namin sinasabi na pagdating sa ganitong uri ng kaso…lupa, kapag naiwang nakatiwangwang lalo na’t napabayaan, may magkaka-interes angkinin ito. Sa kaso nila Melli, hinayaan pa nilang tumira dun si Alma at ang masama may pinapakitang dokumento patunay pagbili sa lupa. Hindi ganun kadali ang pagpapaalis na gusto ng pamilya Unasco. Kailangan dito ay tiyaga na tanggalin ang buhol ng isa-isa para makawala at maging malinis ang tunay na kanila. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa gustong dumulog magpunta lang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Cellphone Nos. 09213263166 (Chen), 09213784392(Carla), 09198972854 (Monique). Landline Nos. 6387285 / 7104038. Bukas kami Lunes-Biyernes.

 

ALEX

ALMA

DAW

ISIDORO

LUPA

MELLI

SIYA

UNASCO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with