Lalaki, 45-taon nang nakatira sa ospital!
DITO sa Pilipinas, puwedeng mamalagi sa ospital ang pasyente kahit kaÂilan niya gusto basta mayroon siyang ibabayad, pero sa isang ospital sa Brazil, isang pasyente roon ang 45-taon nang nasa ospital pero hindi siya pinaaalis.
Taon 1968 pa mula nang manatili sa ospital si Paulo Henrique Machado, isang Brazilian. Siya ang maituturing na pinaka-matagal nang naninirahan sa ospital at maaaring tumagal pa siya roon nang matagal sapagkat hindi naman siya pinaaalis. Ang ospital ay para sa mga batang may sakit.
Si Machado ay isa sa mga bata noong dekada 60 na tinamaan ng polio at infantile paralysis sa Brazil. Iyon umano ang pinaka-malaking polio outbreak sa Brazil. Dalawang araw pa lamang ipinanganganak si Machado nang mamatay ang kanyang ina. Dahil may polio at mahinang-mahina, kailangang naka-respirator si Machado ng 24-oras. Nang mga panahong iyon, ang mga batang may polio ay ini-expect na maaaring tumagal lamang ng 10 taon. Subalit hindi nangyari iyon kay Machado sapagkat 45 years old na siya ngayon at nananatili pa rin sa ospital na iyon. Hindi na siya pinaalis doon. Kung ano ang ginamit niyang room noong 1968, iyon pa rin ang ginagamit niya ngayon.
Ayon kay Machado, nasanay na siya sa buhay-ospital. Para malibang, isa-isa niyang dinadalaw ang mga naka-confine na bata. Kahit may kapansanan, sinisikap niyang puntahan ang mga bata at kinukumusta. Naka-wheelchair siya. Sabi ni Machado, ang pakikipag-usap sa mga batang maysakit ang kanyang kaligayahan.
Ngayon ay may ibang pinagkakaabalahan si Machado habang nasa ospital. Mayroon na siyang trabaho. Isa na siyang qualified computer animator.
- Latest