^

Punto Mo

‘Inahin na may tatlong tandang’

- Tony Calvento - Pang-masa

MAS SAYUN dakpon ang manok na gihigtan (Mas madaling hulihin ang manok na nakatali).

“Pinagtapos ko siya ng Nursing. Binuhay ko sya ng ilang taon. Ginastusan ko para makapagtrabaho sa ibang bansa. Pero nung gumanda na ang buhay naghanap na ng iba.” Ito ang inirereklamo ni Venido “Benny” Babatio, 45, taga-Ilugan Pinagbuhatan, Pasig City ng lumapit sa aming tanggapan. Ang tinutukoy niyang tao ay ang asawang niyang si Maria Genia “Gene” Caduan, 44. Taong 1994 nang unang magkita ang dalawa. Nagtatrabaho bilang driver si Benny habang si Gene ay tindera. Nang magkausap saglit ay hindi na naalis ang tingin ng binata sa bagong kakilala. Tunaw daw ito sa alindog at dimples ng dalaga. Agad niyang niligawan ito hanggang sagutin siya. Ibinahay agad ni Benny ang dalaga. Walang gabing nagdaan na hindi naging mainit ang kanilang pagta­talik pero kahit anong gawin nila, hindi sila makabuo ng bata. Bandang huli, natuklasan ni Benny matapos magpatingin sa isang espesyalista na siya’y isang baog. Kahit gayunpaman, pinapag-aral pa rin ni Benny ang kasintahan ng kursong ‘Nursing’ sa kagustuhan na rin ng dalaga. Masipag mag-aral at matalino raw si Gene. Nagdesisyon silang magpakasal sa huwes nung taong 1996. 3rd year nursing si Gene pero desidido na ang dalawang magsama. Nakapagtapos sya sa sumunod na taon at sa taon ding yun napasa nya ang Nurses’ Board Examination.

Naisipang mangibang bansa ni Gene. Napag-usapan nilang mag-asawang ‘pag may sapat na silang ipon, babalik siya uli ng Pilipinas at magpapakasal sa simbahan. Nagtrabaho sya sa Sabater Hospital ng apat na buwan at ng makuha ang kanyang experience certificate, nagtungo na sya sa Gitnang Silangan sa bansang Kuwait. August 2, 2000 ng makalabas ng bansa si Gene. Palagi silang nagtatawagan. Mula sa kanyang mga sahod nagpadala raw si Gene ng 128, 000 php para pambayad sa mga utang niya sa mga pinsan at tiyahin sa probinsya. Pinabayaran niya ito kay Benny at dun na ito nag-Pasko sa Surigao del Sur kasama ang pamilya ni Gene. Kakarampot na lang ang natira kay Benny. Pero sinabihan daw sya ni Gene na magpapadala uli makalipas ang ilang linggo. Enero 2001, tulad ng klima nagsimula nang lumamig ang pakikitungo ng asawa sa kanya. Minsan na lang daw ito kung mag-text at hindi na rin sinasagot ang mga tawag nya. Hanggang duma­ting ang punto na sinabihan daw siya ng asawang, “Wag mo na ako gulihin, bumalik ka na lang sa bundok at magtanim ka nalang ng kamote dahil wala ka nang makukuha sa akin.”

Dun nagwakas ng kanilang komunikasyon. Wala na siya ulit narinig galing sa asawa. Taong 2004 nakipagkita ang asawa sa kanya. Buong akala nya’y makikipagbalikan ito ngunit nung magkausap ay pinapirma lang pala sya ng ‘legal separation papers’. Kalakip dito ang perang nagkakahalaga ng 100,000 php. Inisip ni Benny lahat ng ginastos sa asawa kulang daw ang halagang ito sa nagastos niya. Sinabi nya sa asawa, “bigyan mo ko ng isang jeep patas na tayo.” Pumayag si Gene pero lumipas ang taon at walang jeep na dumating. Hindi na kailanman nagparamdam ang dating asawa sa kanya. Napag-alaman na lamang niya habang kinukuha niya ang kanilang Marriage Certificate sa NSO nung Disyembre 2012 na nagpakasal na umano ito sa kapwa Pilipinong nagtatrabaho sa Kuwait nung taong 2004. Napagtanto niya kung bakit simula nung magpunta sa Kuwait ang asawa’y wala na itong pagpaparamdam sa kanya. Nag-imbestiga si Benny tungkol sa asawa at natuklasan niyang nasa Switzerland na si Gene. May dalawa raw itong anak na babae at may bago nang kinakasamang banyaga.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Venido Babatio. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang Bigamy o Bigamya sa Tagalog ay ang pagpapakasal muli ng isang tao kahit hindi pa ‘legally dissolved’ ang unang kasal nito. Sa ating ‘Penal Code’ itinuturing na krimen laban sa estado. Kaya nga nakasulat sa demanda ‘People of the Philippines versus…’ Si Benny ang tatayong testigo na nagrereklamo sa kasong ihahain niyang BIGAMY. Ang sinumang taong inireklamo at mapatunayan na sangkot dito ay papatawan ng parusang pagkabilanggo mula anim hanggang walong taon. Magiging walang bisa rin ang pangalawang kasal nito. Sa mga ipinakitang dokumento ni Benny sa aming tanggapan masasabing pwede nyang ireklamo ang dating asawa ng bigamy. Batay sa National Indices of Marriages sa NSO, dalawa ang Marriage Certificate records ni Gene, isa nung 1996 at isa nung 2004.

Muntik na kaming nadala ni Benny na siya ang nadehado hanggang lumabas sa aming panayam na pera na lang din ang habol ni Benny sa dating asawa. Halagang 500,000 php pang jeep ang kapalit ng katahimakan nilang dalawa ang hinihingi niya. Agad naming sinabi sa kanya na hindi  ‘Collection Agency’ ang aming tanggapan. Dinagdag din namin na ginusto niyang tulungan si Gene at baka naman sinasaktan niya ito kaya nag-isip na makipaghiwalay. Umamin siyang minsan lang naman daw. (Minsan daw O…?) Hindi na nakakagulat na maraming mag-asawa ang nauuwi ngayon sa hiwalayan dahil sa makaperang kaisipan. May halaga na nga ba ang sinumpaang pagsasama habang buhay? Hanggang jeep na lang ba ngayon ang katumbas ng isang sumpaan sa isang kasal? (KINALAP NI MIG KAREN RAMIREZ) Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166 (Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa [email protected]

ASAWA

BENNY

GENE

MARRIAGE CERTIFICATE

NIYA

NUNG

PASIG CITY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with