EDITORYAL - Paigtingin pa ang police visibility
KARAMIHAN sa mga pulis na nakipaglaban sa mga holdaper ng bus at jeepney ay nagkataong pasahero. Gaya ng isang pulis na nakasakay sa isang bus sa EDSA para pumasok sa trabaho. Nang dalawang lalaki ang nagdeklara ng holdap sa kanto ng Quezon Avenue at EDSA. Nagpakilala siyang pulis pero lumaban ang dalawang holdaper. Nakipagbarilan siya. Tinamaan ang isa at nahuli samantalang nakatakas ang kasama.
Kahanga-hanga ang tapang ng pulis. Kagaya rin siya ng mga pulis na binanggit ni President Aquino sa kanyang SONA. Ang policewoman na binanggit ni P-Noy ay nakipaglaban sa holdaper at nasaksak pero buo ang kanyang loob at naaresto ang holdaper.
Marami pang mga pulis na nakipaglaban sa mga masasamang loob. At nangyari iyon habang sila ay sakay ng bus at jeepney. Paano kung walang nakasakay na pulis sa bus o jeepney? Kawawa naman ang mga pasahero na kukulimbatan ng mga holdaper. Lilimasin ang kanilang pera at mga gamit. Hindi na sila mahuhuli sapagkat bihira naman ang mga pulis na nagpaÂpatrulya sa lansangan sa disoras ng gabi.
Kung may nagpapatrulyang pulis nang holdapin ang isang bus sa EDSA kamakailan, hindi sana napatay ang isang call center agent. Binaril ang biktima nang tumangging ibigay ang pera at cell phone nito. Hindi pa nahuhuli ang mga suspect.
Nararapat pag-ibayuhin ng PNP ang pagpapatrulya lalo na sa gabi kung saan marami ang naka-empleyo bilang call center agents. Sa dis-oras ng gabi sumaÂsalakay ang mga criminal. Alam nila na walang pulis sa lansangan kaya malakas ang kanilang loob.
Kamakailan, hinirang ang isang police official para pamunuan ang NCRPO. Umano’y mahusay ang opisyal na ito. Ipakita niya ang husay sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pulis sa mga lugar na talamak ang krimen. Protektahan nila ang mamamayan lalo sa kalaliman ng gabi.
- Latest