EDITORYAL -Walang katapusang batuhan ng akusasyon
TALAMAK na ang problema ng illegal na droga sa bansa at walang magawang mahusay na solusyon ang mga awtoridad. Isang dahilan kung bakit ay dahil na rin sa estilo ng mga awtoridad. Kapag may nahuling drug trafficker ang mga alagad ng batas, lumulutang ang kung anu-anong mga akusasyon sa mga nakahuli. Nawawala umano ang mga ebidensiya na magdidiin sa mga suspect, ganundin ang pera, alahas, at kung anu-ano pang mahahalagang gamit. Bakit daw hindi naging maayos ang pagpresenta ng mga nakumpiska?
At dito na magsisimula ang batuhan ng mga maaanghang na akusasyon. Bubuwelta ang mga inaÂakusahang alagad ng batas at sasabihing ang mga nag-aakusa ang may mga kahina-hinalang pakikipag-ugnayan sa mga drug trafficker. Ang mga nag-aakusa raw ang protector ng sindikato ng droga. At kung anu-ano pang mga pagsisiwalat laban sa mga nag-aakusa.
Ganyan ang nangyayaring senaryo ngayon makaraang mahuli ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mag-asawang drug traffickers na sina Li Lan Yan alyas Jackson Dy at Wang Li Na sa isang condominium sa Mandaluyong dalawang linggo na ang nakararaan. Ang mag-asawang drug trafficker ay nakatakas sa mga police escort habang patungo sa hearing noong nakaraang Pebrero. Ang nag-rescue sa dalawa ay ang Ozamis robbery group na pinamumunuan ni Ricky Cadavero na niratrat ng mga pulis kamakailan.
Subalit pinagdudahan ang pagkakahuli ng CIDG sa mag-asawang drug trafficker sapagkat dalawang NBI witness ang nagsabi na ninakaw ng mga ito ang P15 million hanggang 20 million mula sa bahay ng dalawang naarestong drug traffickers. Bukod sa milÂyong piso, kinuha rin umano ang 80 kilos ng shabu. Pinabulaanan ng CIDG ang bintang. Hindi raw shabu kundi kendi ang nakuha nila sa bahay ng mag-asawa.
Sinibak sa puwesto ang 19 na CIDG operatives dahil sa bintang. Rumesbak naman ang CIDG at sinabing may NBI agents na nagpoprotekta sa drug lords. Ang naaresto nilang mag-asawa ng drug traffickers ay pinuprotektahan ng NBI.
Hanggang ngayon, nagtuturuan at nagbabatuhan ng akusasyon ang NBI at CIDG. Habang nagtuturuan sila, natutuwa naman ang drug syndicates at patuloy silang nagtitimpla ng lulutuing shabu.
- Latest