^

Punto Mo

‘Sapilitang sahuran’

- Tony Calvento - Pang-masa

SA buhay natin bawat butil ng pawis ay may katumbas na halaga. Hindi maaaring nagsisilbi ka na, nag-aabono ka pa. 

Taong 2005…mapapaso na umano ang kontrata ng ahensiyang Lanting Security and Watchman Agency o Lanting sa Land Registration Authority (LRA) Nueva Vizcaya. Ito ang nagbibigay ng mga sekyung magbabantay doon. Nagkaroon ng bidding ang mga ahensiya para malaman kung sino ang bagong hahawak sa LRA. Natalo ang Lanting kung saan isa si George Gabayni, 38 taong gulang, nakatira sa Pasig sa empleyado nito.

“Nung natalo na ang Lanting hindi sila pumayag na i-take over kaagad sa bagong agency. Pinayagan kami ng nanalong agency na manatili sa trabaho dahil wala pa silang taong ipapalit sa amin,” pahayag ni George. Ang bagong ahensiya ang magdedesisyon kung kukunin nila ang mga tauhan ng Lanting bilang bago nilang empleyado o hindi. Sa parte nina George hindi sila kinuha. Nagsimulang magtrabaho bilang gwardiya si George sa ahensiyang Lanting noong taong 2002. Halos apat na taon siyang naglingkod doon.

“Nung unang taon maayos sila magpasahod. Nung mga sumunod nahuhuli. Yung SSS ko hindi rin kompleto ang hulog kaya hindi ako makapag-loan,” salaysay ni George. Nang ma-expire ang kanilang kontrata sa LRA Nueva Vizcaya patuloy pa rin silang pinagtrabaho ng Lanting.

“Mag-duty lang kayo. Wala namang problema, mababayaran kayo,” sabi umano ng ‘Operations Manager’ ng Lanting na si Leo de Villa. Lumipas ang mga taon, lubog na sa utang si George. Nanghihiram siya sa mga kaibigan at kamag-anak para may magamit sa pang-araw araw niyang pangangailangan. Umabot ng isang taon at apat na buwang wala siyang swel­dong natatanggap. Dumating ang panahon na tila natauhan siya at nakita niya ang katotohanang kumakayod lamang siya pero hindi naman nababayaran ang kanyang pagpapagod. Taong 2006 nang magpasya siyang umalis sa Lanting.

“May dalawa pa akong anak. Hindi talaga pupwedeng puro lang ako trabaho tapos wala naman akong sweldo,” pahayag ni George. Mula nang umalis si George hindi siya tumigil sa kaka-text at kakatanong kung kailan niya makukuha ang kanyang sahod.

“Kapag nagbayad na ang LRA sa amin mababayaran na rin namin kayo,” wika umano ni Leo.

Puro pangako lang daw ang sagot ng Lanting sa kanya. Humigit kumulang PHP140,000 ang halagang sinisingil niya. Pautay-utay siyang binig­yan ng Lanting. Umabot ng PHP30,000 ang naibayad sa kanya. Nagsimula ito noong taong 2011 hanggang ika-22 ng Nobyembre 2012. Hindi na muling nasundan pa.

“Cash advance ang naka­lagay sa mga resibong ibi­ni­bigay sa akin,” salaysay ni George. Maliban sa sweldo, isa pa sa inirereklamo ni George ay ang pagkakaltas umano sa kanya ng mga benepisyo tulad ng SSS at PhilHealth na hindi naman umano naihuhulog.

“Wala rin silang ibinigay na 13th month pay tapos yung cash bond na kinakaltas sa amin buwan-buwan hindi ko rin nakuha,” sabi ni George. Binabalik-balikan niya ang opisina ng Lanting ngunit laging “Antay-antay lang na ma-release ang bayad ng kliyente” ang natatanggap niyang sagot. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming­ tanggapan. Tumawag din kami sa Lanting Security and Watchman Agency at nakausap namin si Leo de Villa. Sinabi niyang papuntahin namin doon si George at babayaran na nila. Nang magsadya doon si George, wala raw maibibigay na pera ang ahensiya sa kanya at magreklamo na lamang siya kung gusto niya.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni George.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nagtatrabaho tayo upang may ipangtustos sa pang-araw araw nating pangangailan. Ang pagtatrabaho, kailangan bigayan din. Nagseserbisyo tayo para sa kompanya at bilang kapalit naman, kailangan nila tayong swelduhan.

Hindi katanggap-tanggap na dahilan ang ibinibigay ng Lanting kay George na hindi pa daw nagbabayad ang kanilang kliyente. Ang katotohanan, walang pakialam ang mga trabahador sa problema sa pagitan ng kliyente at kompanya. Obligasyon nilang bayaran ang serbisyo mo George sa loob ng isang taon at apat na buwan. Ang mabuti mong gawin, igiit mo sa kanila na ibigay ang iyong sweldo. Kung hindi nila ito magagawa maaari kang magreklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) para sa ‘Non-payment of wages’. Hindi pwedeng nagpapakahirap ka sa pagtatrabaho para sa kanilang ahensiya tapos wala naman silang sweldong iniaabot sa iyo. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog sa aming tanggapan para sa kanilang problemang legal mag-text lang sa aming mga numero, 09213784392 (Pauline­) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Maari din kayong tumawag sa aming landline, 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., 709 Shaw Blvd., Brgy. Oranbo,  Pasig City. Bukas kami mula Lunes-Biyernes.

GEORGE

GEORGE GABAYNI

HUSTISYA PARA SA LAHAT

LANTING

LANTING SECURITY AND WATCHMAN AGENCY

NUEVA VIZCAYA

NUNG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with