Sirang payong
BIHIRA na ngayong makakita ng mga taong nagkukumpuni ng payong. Isa pa naman sa mahahalagang kagamitan ngayong tag-ulan ang payong. Pero, dahil halos lahat ng klase ng payong ay bumibigay at nasisira sa lakas ng hangin lalo na kung napakasama ng panahon o merong bagyo, malimit na masira at magkabali-bali at magkaputol-putol ang mga metal ribs at stretcher nito. At, dahil nga madalang na nang makakita ng mga shops o ng indibidwal na nagkukumpuni ng payong, walang ibang mapamimi-lian ang marami kundi bumili ng bago.
Noong araw, ang kalimitang nagkukumpuni ng payong ay mga ordinaryong manggagawa na nakatambay sa mga bangketa. Meron lang silang maliit na mga kahon na lagayan ng kanilang mga kagamitan at mga piyesa ng payong. Mura lang naman ang pakumpuni. Pero, sa pagdaan ng panahon, unti-unti na silang nawawala. Hindi malaman kung bakit. Maaaring dahil siguro mahina ang kanilang kinikita. Konti at madalang ang nagpapaayos ng payong. Isang pruweba riyan ang mga sirang payong sa mga tambakan ng basura. Sa halip na kumpunihin na lang, natatapon at nadadagdag sa problemang basura ng kapaligiran. Sa karagatan at ilog, makakakita nang lumulutang na sirang payong.
Pero isa marahil na dahilan na rin dito, kapag nagpaayos ka ng payong, para ka na ring bumili ng bago. Ang ordinaryo at pinaka-murang payong ay nabibili sa halagang humigit-kumulang na P50 sa kasalukuyan (depende sa tindahan). Kung magpapakumpuni ka naman ng sirang payong, depende sa sira, karaniwang gagasta ka ng P20 o P30 at meron ding aabot ng kulang-kulang sa P50. Kaya ang marami sa atin ay bumibili na lang ng bago. Kapag nasira na naman iyong bago, bibili na naman ng panibago. At ang sirang payong, napupunta na lang sa tambakan ng basura.
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na [email protected])
- Latest