Ang Tigre at ang 3 Kulig
SA isang zoo sa Amerika, pinoproblema ng mga zoologists ang isang tigre na naagasan ng mga anak. Simula noon ay lagi itong nakahiga at bihirang bumangon. Bahagya niyang binabawasan ang kanyang pagkain. Na-diagnosed ng mga zoologists na depresyon ang dahilan ng pagbabago ng tigre. Para itong tao na sobrang nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang mga anak. Pinag-isipan ng mga zoologists kung ano ang dapat gawin bago mamatay ang tigre sa hindi pagkain nito.
Lumipas ang ilang araw, isang bright idea ang pinagplanuhan ng mga zoologists. Kumuha sila ng tatlong bagong panganak na mga kulig (baby pigs). Ang katawan ng mga kulig ay binalot nila ng telang may tiger-print. Inihiga nila ang mga kulig sa tapat ng dede ng nakahigang tigre. Gumalaw ang mga kulig, naroon ang instinct na hanapin ng mga ito ang utong na pagmumulan ng gatas na kailangan nila. Hinihintay ng mga zoologist na mag-react ang tigre. Baka kasi manibago ito na may gumagalaw sa kanyang mga utong. Pero wala siyang reaksiyon. Tila nakikiramdam lang ito sa mga nangyayari. Hinayaan lang niya na sumuso ang mga kulig. Dahil sa nawawalang gatas sa kanya, nakaramdam ang tigre ng gutom. Nagsimula na itong bumangon at ubusin ang pagkain niya.
Kinakitaan ng pagmamahal sa mga kulig ang tigre. Buong akala niya ay kanyang mga anak ang kulig. Kung minsan ay isa-isa niyang dinidilaan ang mga kulig. Bumalik ang sigla ng tigre at muling sumigla ang pangangatawan. Nagtagumpay ang mga zoologists sa kanilang naisip na paraan. Sa kasalukuyan ay pinag-iisipan nila kung ano ang gagawin nila kapag naging baboy na ang mga kulig at ang irit ng mga ito ay nakakatulig na. Makakahalata na kaya ang tigre na baboy pala ang mga kasama niya? Iyon ngayon ang pinag-iisipan ng mga zoologists. Meanwhile, ang mahalaga ay maligaya ang tigre sa piling ng kanyang mga kulig.
- Latest