‘Langaw na binugaw’
TULAD ng isang eroplanong nasa himpapawid, patuloy mong tinititigan hanggang ito’y kainin ng ulap ng kawalan.
Maraming katanungan sa isipan ni Corazon “Cora†Gultiano, 50 taong gulang, nakatira sa Pampanga nang malaman ang sinapit ng asawang si Noel. Lahat ng klaseng pagmamakaawa sinabi na niya sa among Singaporean ngunit hindi man lang naantig ang kalooban para payagan siyang umuwi. Limang buwan pa lang siyang nagtatrabaho bilang ‘Domestic Helper’ (DH) sa Singapore nang mabalitaan niyang nasaksak ang kanyang asawa, patay agad ito.
Ika-27 ng Disyembre 1991…tumawag sa kanya ang kapatid na si Phoebe. “Mahirap ang mag-isa Ate. Huwag kang manghihina, kaya mo yan,†sabi umano nito. Nagtaka si Cora sa matalinghagang sinabi ng kapatid. Kinagabihan ipinagtapat na sa kanya ng kanyang ina na pinatay ang kanyang mister.
“Bakit pinatay? Sino ang pumatay?†sigaw ni Cora.
Sina Luis Nanza at isang tinatawag na Junior umano ang sumaksak. Napag-alaman niyang adik umano ang mga ito. Dinayo ng inom ang kanyang mister sa bahay. Pinakain pa nito ang mga bisita nang tumalikod ito, bigla na lang itong sinaksak. Sa balikat at sa leeg ang tama ni Noel.
“Sabi ng kapit-bahay kumuha pa ng tricycle ang asawa ko para pumunta ng ospital pero di na umabot,†kwento ni Cora.
Abril 20, 1994… nakauwi ng Pilipinas si Cora. Nakibalita siya sa itinakbo ng kaso. Napag-alaman niyang naiurong ang demanda kapalit ng halagang labinglimang libong piso. Nang pumunta siya sa bahay kung saan pinatay ang kanyang asawa, tila nagbalik sa kanya ang nangyari kahit tatlong taon na ang nakakalipas. Nakamarka pa doon ang nangyaring krimen. Dugo sa dingding…sa hagdan, mga bakas ng paang duguan. Hindi pa rin ito nabubura tulad ng paghahanap niya ng katarungan sa nangyari.
“Ang bayaw ko ang kumolekta ng burial benefits ng asawa ko. Ang biyenan ko naman ang nakakatanggap ng pensiyon ng mga anak ko,†salaysay ni Cora.
Nang makabalik siya sa Pinas siya na ang kumukuha ng pensiyon para sa kanyang mga anak. Taong 2006… biglang nahinto ang penÂsiyon. Bagay na ipinagtataka ni Cora. Nagsadya siya sa tanggapan ng Social Security System (SSS) Pasig, Shaw upang alamin ang dahilan.
“Dun ko lang napag-alaman na hindi pala talaga ako kasali sa mga tumatanggap ng pensiyon,†wika ni Cora.
Iginiit niyang siya ang legal na asawa at kailanman ay hindi napawalang bisa ang kanilang kasal. Hindi umano nagbibigay ng malinaw na dahilan ang SSS kung bakit wala siyang pensiyon. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
“Paano naman ako ngayong hindi na ako makapagtrabaho dahil wala ng kukuha sa akin? Hindi ba dapat pensiyonan din ako ng SSS? Parang langaw nila akong binugaw,†wika ni Cora.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Cora.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nakipag-ugnayan kami sa SSS Main Office. Nakausap namin si Ms. Lilibeth Suralbo at nilinaw niya na ang bayaw nitong si Cora ay inireport na hiwalay na sila ng asawa at may kinakasama na siyang iba. Hindi naman naniniwala ang SSS sa ganitong alegasyon kaya nagsagawa sila ng sariling imÂbestigasyon.
Batay sa aming napag-alaman, itong si Cora ay nakakatanggap ng pensiyon bilang tagapamahala para sa mga bata. Dahil tumuntong na ng bente uno anyos ang kanyang bunso at ang iba naman ay lampas na rin sa edad na yun hindi na sila kwalipikado sa ilalim ng mga patakaran ng SSS.
Na-disqualify siya bilang pensioner dahil sa pagka-ulat sa kanya ng kanyang bayaw. Pinayuhan namin siya na makipag-usap at magpaliwanag sa partido ng kanyang asawa lalo na sa kanyang bayaw. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213784392 (Pauline) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.
- Latest