EDITORYAL - Hamon sa bagong NIA administrator
WALANG pagbabago sa napakayaman at maÂlawak na lupain ng Pilipinas. Maraming buÂkirin ang nananatiling umaasa sa tubig-ulan. Kapag nagdamot ang ulan, walang mapapakinabang ang mga kawawang magsasaka. Matutuyo ang kanilang tanim na palay. Sayang ang kanilang pagod, pera at panahon sa paghahanda sa lupa. Natuyo lamang dahil sa kawalan ng tubig.
Maaari namang magkaroon ng tubig ang malawak na lupain o mga bukirin sa bansa. Kung malawak at mayaman ang lupa, ganundin kalawak at karami ang tubig na maaaring makuha at itustos sa mga pananim. Kung ang lahat nang bukirin ay matatamnan ng palay, hindi na aangkat ng bigas ang bansa. Pero nakadiÂdismaya ang nangyayari ngayon sapagkat umaasa ang bansa sa inaangkat na bigas sa Vietnam at Thailand. Nakakahiya na agrikulturang bansa ang Pilipinas pero umaasa sa bigas ng ibang bansa. Hindi nagkatotoo ang sinabi ng Department of Agriculture na hindi na raw aangkat ngayong taon ng bigas ang bansa. Patuloy pa rin sa pag-angkat sapagkat kulang na kulang ang inaani sa mga bukirin. Natutuyo ang mga pinitak sapagkat walang sapat na suplay ng tubigÂ. Sisihin ang National Irrigation Administration sa mahinang ani ng bansa.
Hindi masisisi si President Noynoy Aquino kung sermunan ang NIA administrator na si Antonio Nangel. Walang ginawa si Nangel sa panahong siya ang namumuno sa NIA at ito ay labis na ikinairita ng Presidente. Hindi na napigilan ang pagkainis kaya nang magdiwang ng ika-50 anibersaryo noong nakaraang linggo, isinambulat ang matagal nang kinikimkim. Ayon sa Presidente, hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang irrigation project sa kanyang home province na inumpisahan pa noong siya ay kongresista. Dahil sa nangyari, walang napapakinabang ang mga magsasaka dahil umaasa lamang sila sa ulan. Natutuyo ang mga palay at walang maani.
Ilang araw, makaraan ang panenermon kay NangelÂ, nag-anunsiyo ang Malacañang na mayroon na itong kapalit --- si Claro Maranan na dating general manager ng Philippine Port Authority. Isang engineer si Maranan.
Malaking hamon kay Maranan ang pamumuno sa NIA. Ipakita niya na karapat-dapat siya sa puwesto. Magsagawa siya ng mga pagbabago. Nararapat magkaroon ng tubig ang malawak at mayamang lupain ng bansa para magkaroon nang masaganang ani. Dito uunlad ang bansa at wala nang magugutom na Pilipino.
- Latest