‘Butangerong ama’
TUNGKULIN ng magulang na proteksyunan ang kanilang mga anak laban sa pang-aapi at pang-aabuso.
Katungkulan din ng mga magulang na disiplinahin ang kanilang mga anak ngunit hindi sa paraan ng pananakit at pagmamalabis ito man ay sa pisikal at emosyunal na aspeto.
Naniniwala ang BITAG na walang magulang na naghangad ng kapahamakan ng sariling anak. Maliban na lang kung wala ito sa katinuan at si satanas ang pinapayagan niyang magmanipula sa kanyang isipan!
Bago pa lang ang BITAG sa telebisyon, inulan na ng sumbong ng mga pananakit at pang-aabuso ang aking tanggapan. Isa sa mga lumapit sa BITAG ang mag-iinang residente ng Caloocan City na hinahataw at binabambo ng sarili nilang padre de pamilya.
Ang siste, lango sa ipinagbabawal na gamot ang suspek kaya ang laging napagdidiskitahan ay ang asawa, biyenan at tatlong maliliit na anak.
Naantig ang puso ng BITAG nang humagulgol ang panganay na pitong taong gulang na babae habang nagmamakaawa na maipakulong ang sariling ama. Suko na raw silang mag-anak sa mga pambubugbog ng butangerong ama sa loob ng maraming taon.
Matagal na itong naipalabas ng BITAG. Sinadya talaga naming muling ipalabas para ipaalam sa publiko na mayroon silang takbuhan sa ganitong uri ng mga reklamo. Babala ng BITAG sa mga walang kuwentang mga ama na kinakaya-kaya ang kanilang mga asawa at anak, umayos kayo! Kayo dapat ang nilalatigo at hinahambalos. Hindi pa kayo ang tamaan ng kidlat para maubos na ang mga masasama sa mundo!
Marami pang biktima ng pang-aabuso ng sarili nilang mga kapamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Abangan ang iba pang mga “Classic Family Sumbong†na naidodokumento at ki-nompronta ng BITAG!
Ugaliing mag-log-in sa BITAG Channel. Mag-log in sa www.bitagtheoriginal.com para mapanood ang iba pang mga episode ng mga pananakit at pang-aabuso.
- Latest