Kapalpakan ng LTO
PATULOY ang kapalpakan sa Land Transportation Office (LTO) dahil sa kawalan ng plaka ng mga sasakyan sa buong bansa.
Matagal ko nang naririnig kay LTO chief Virginia Torres na nai-deliver na raw ang car plates para sa mga brand new na sasakyan. Maraming motoÂrista na ang nagrereklamo dahil sa napakatagal ng pag- isyu ng plaka sa kanilang mga bagong sasakyan kabilang ang mga motorsiklo. Umaabot na sa anim na buwan hanggang isang taon ang pinaghihintay ng mga motorista para sa plaka ng kanilang sasakyan. Maging sa sticker ay naantala rin.
Ang plaka ay isa sa pinaka-importante lalo na kung masaÂsangkot sa isang aksidente.
Sa ngayon ay maraming nagrereklamo sa atin lalo na ang mga may-ari ng motorsiklo na laging nasisita ng mga pulis na para bang ang tingin sa kanila ay mga criminal o kabilang sa riding-in-tandem. Kapag walang plaka ay lalong agresibo ang mga pulis na sumisita at lahat ng papeles ay inuusisa na masyadong malaking abala sa mga motorista.
Marami tuloy ang hindi mapigilan na magsalita na mabuti pa raw sa nakaraang Arroyo admistration na hindi nagkaroon ng problema sa pag-iisyu ng plaka.
Kung maiinterbyu naman ang hepe ng LTO ay malabong magpaliwanag at laging ang sagot ay malapit nang mailabas ang lahat nang plaka. Kaya nababansagan ngayon ang LTO na pinaka-palpak sa buong kasaysayan ng ahensiya sa bansa.
Sana, sitahin na ni P-Noy ang kanyang LTO chief dahil marami na ang nagrereklamo sa kawalan ng plaka sa mga sasakyan. Kaya naman ang MMDA ay gumawa na lang ng paraan para hindi maabuso ang number coding na ang pinagbabasehan na lamang ngayon ay ang conduction sticker ng mga bagong sasakyan.
Inaasahan namang matatapos na ang isyu ng hindi pagbabayad ng LTO ng bilyong piso na utang sa Stradcom dahil nagdesisyon na ang Supreme Court na nagdedeklara na ang grupo ni Cesar Quiambao ang tunay ba may-ari ng Stradcom.
Naunang nagdesisyon ang LTO na huwag munang bayaran ang Stradcom dahil sa intra-corporate complaint o mayroong umaangkin sa pagmamay-ari ng Stradcom na IT provider ng LTO.
Tinatayang nasa P4 billion na ang kailangang bayaran ng LTO sa Stradcom at inaasahan na kikilalanin ng LTO ang desisyong ito at para naman mas maging maayos ang serbisyo ng LTO sa publiko sa pamamagitan ng kanilang IT provider na Stradcom.
- Latest