^

Punto Mo

‘Ang tatay kong kidnapper (?)’

- Tony Calvento - Pang-masa

HUWAG mong isubo sa isang labanan ang isang paslit na walang kalaban-laban. Buong tapang mong harapin ang hamon kung alam mong ikaw ay nakatindig sa mataas na lupa.

“Wala akong pakialam sa ‘yo! Bakit ko sasabihin kung nasaan ang bata? Itatago ko siya sa ‘yo!”

Pangungulila sa anak, ito ang naging dahilan ng paglapit sa amin ng 29 na taong gulang na ginang na si Roby Quierrez, isang ‘call center agent’. Ang asawang si Brian America Quierrez, 33 taong gulang ang kanyang inirereklamo. Ikinasal ang dalawa noong ikalima ng Hunyo 2008 sa Munisipyo ng Infanta, Quezon. Ipinanganak ni Roby ang kanilang panganay ni Brian noong Agosto 3, 2008.

“Gastos ko lahat sa panganganak ko. Caesarian ako nun,” pahayag ni Roby. Dalawang linggo pa lamang mula nang manganak si Roby kinailangan niya ng magpatuloy sa kanyang trabaho bilang SPA therapist dahil kapos sila. Si Brian naman ay isang janitor. Hirap ang mag-asawa sa pera, ipinaliwanag ni Roby ang gastusin nila sa pang-araw araw. Nagpagkasunduan nilang dalawa na magtrabaho si Roby sa ibang bansa. Natanggap siya bilang Administrative Officer sa Afghanistan. 300-1500 dolyar ang maaaring kitain ni Roby. Halos PHP61,000 kada buwan ang nakasaad sa kontratang kanyang pinirmahan. Setyembre 2009 nang siya’y umalis patungong Afghanistan. Nang magbakasyon siya dito sa Pilipinas nagtataka siya kung bakit walang naipon ang kanyang asawa gayung wala na itong binabayarang upa dahil nakitira ito sa kanyang biyenan. Itinuloy ni Roby ang pagtatrabaho sa Afghanistan. Nang muli siyang magbalik sa Pinas at wala pa ring natitira sa kanilang ipon, napagpasyahan niya nang paghanapin ng trabaho si Brian. Pinutol niya ang access nito sa kanyang account at dinala niya ang kanilang anak sa ina sa Zamboanga para makapagtrabaho ang asawa.

“Kay mama na ako nagpapadala at siya na ang bahalang magbigay kay Brian,” salaysay ni Roby.

July 2011…muling nagbalik si Roby sa Afghanistan. Wala pang isang buwan tumawag na sa kanya si Brian upang manghingi ng pera. “Gagamitin niya daw dahil mag-aaply siya ng trabaho,” wika ni Roby. Hindi pa siya makapagbigay dahil wala pa siyang sahod. Nagalit umano si Brian at binantaan siyang kukunin nito ang anak sa Zamboanga kung hindi siya magbibigay. “Tinotoo niya nga ang sinabi niya. Sinubukan kong tumawag sa cellphone niya pero hindi ko na siya makontak. Pinayuhan lang ako ni mama na hayaan ko na muna dahil tatay naman siya ng anak ko,” kwento ni Roby. Isang taong walang komunikasyon sa kanyang asawa’t anak. Nang magbalik siya sa Pilipinas noong Hulyo 31, 2012 nagpunta sila sa bahay ng kanyang biyenan sa Infanta, Quezon. Wala si Brian, nasa Maynila daw ang bata.

“Hiningi ko ang numero ni Brian. Nagkausap kami at sinabi niyang hindi n’ya ipapakita sa akin ang bata,” wika ni Roby.

Naisip na ni Roby na lumapit sa Public Attorney’s Office (PAO) upang magpagawa ng liham para kay Brian ngunit hindi naman ito tumugon. Sa kagustuhang makuha ang anak sinunod ni Roby ang kanyang narinig. Nagsampa siya ng kasong ‘Kidnapping and Failure to Return a Minor’, Economic Abuse at Psychological Abuse sa Prosecutor’s Office noong ika-24 ng Agosto 2012. Lumabas ang pinag-isang resolusyon (Joint Resolution) noong Oktubre 26, 2012. Aprubado ni Provincial Prosecutor Dione V. Bustonera. Dismissed ang kasong ‘Kidnapping and Failure to Return a Minor’ dahil si Brian ay isa sa mga magulang ng bata at si Pacita Quierrez na isa sa nirereklamo ni Roby ay hindi nakitaan ng sapat na ebidensiya na katuwang ito sa pagkuha sa bata. Ang kasong RA9262 Economic Abuse DISMISSED din dahil sa kakulangan sa ebidensiya habang ang Psychological Abuse naman ay patuloy pa ding dinidinig sa Regional Trial Court (RTC), Branch 65 ng Infanta, Quezon.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Roby.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa pagpapalaki ng mga anak may tinatawag na ‘Joint Parental Authority’ o parehong mga magulang ang may karapatan sa pangangalaga sa kanilang mga anak.

Ayon sa Family Code ang mga batang pitong taong gulang pababa ay dapat nasa pangangalaga ng kanilang mga ina. Maliban na lamang kung magkakaroon ng mabigat na dahilan (Compelling Reason) para huwag ibigay sa kanila ang kanilang anak.

Malinaw na mali ang naisampang kaso ni Roby dahil hindi mo maaaring kasuhan ng Kidnapping ang ama ng bata. Pinayuhan namin siyang magsampa ng ‘Petition for Habeas Corpus’. Ipag-uutos ng Judge na i-prisinta sa korte ni Brian ang bata. Kung hindi niya ito gagawin maaari siyang ma-Contempt of Court at iuutos ng Judge na ikulong siya hangga’t hindi dinadala ang bata sa korte. Ito muna ang dapat niyang atupagin at hilingin niya sa hukom ang kustodiya ng bata dahil ito’y apat na taong gulang lamang sang-ayon sa family code. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213784392 (Pauline) 09198972854 (Monique) 09213263166 (Chen) o 09067578527 (Carla). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

 

ANAK

BATA

BRIAN

DAHIL

ECONOMIC ABUSE

NIYA

ROBY

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with