Phobia sa baha!
Marami ang nagka-phobia sa naranasang kalbaryo noong nakalipas na Huwebes, makaraang malubog at magmistulang sapa ang maraming bahagi ng Metro Manila dulot ng malakas pero hindi naman katagalang pag-ulan.
Aba’y hanggang sa ngayon kapag nakita ang konting pagdidilim sa langit ay natuturete na ang marami nating mga kababayan at baka raw maabutan na naman sila at maipit sa baha kapag umulan ng malakas.
Kasunod pa naman ng mabilis na pagbaha ang pagkakabuhol-buhol sa daloy ng trapiko.
Matagal nang problema ang ganitong pagbaha lalu na sa Maynila at karatig lungsod. Marami na rin naisip at naiisip pang solusyon para daw maibsan ang problemang ito. May ilan pa ngang tanggapan o ahensya ang nagpapadagdag pa ng pondo para umano maisakatuparan ang proyekto.
Pero hanggang sa ngayon wala namang nagiging pagbabago sa problema sa baha. Hindi naman naiibsan at habang tumatagal pa nga eh mukha at mas lalu pa yatang lumalala.
Hindi nga ba’t inamin ni MMDA Chairman Francis Tolentino, na sa naganap na matinding pagbaha noong nakalipas na Huwebes, may ilang lugar na noon ay hindi binabaha, na noong Huwebes ay nasumpungan ang malalim na baha. Bakit kaya?
Marami nga ang bumatikos sa MMDA dahil sa dinanas na kalbaryo, pero kung may pagkukulang ang ahensiyang ito, hindi dapat sa kanila ibuhos ang lahat ng sisi.
Nakadagdag pa kasi o naging sagabal sa mga daluyan ng tubig ang mga hukay-hukay o konstruksyon sa mga lansangan. Kakulangan sa maaayos na drainage, gayundin ang mga indibiduwal na walang tigil sa pagbalahura o pagtatapon ng mga basura sa mga estero kaya nagbabara.
May pagkukulang din dito ang mga local officials dahil sa hindi nila malinis ang gilid ng mga estero sa mga informal settlers at siyempre ang mga nabibinbing proyekto ng gobyerno partikular na ng DPWH.
Kaya hanggat walang pagkilos o pagbabago na makikita sa mga ito, asahang hindi matatapos ang problema sa baha na malamang sa mga susunod pang mga taon ay magmistulang dagat na talaga ang mga pangunahing lansangan at malaking bahagi ng Metro Manila.
- Latest