Lampong (321)
NAG-AALALA si Jinky sa kalagayan ni Tanggol. May sugat pala ito sa ulo. Bakit kaya nagkasugat? Bigla niyang naalala na nahulog nga pala sa hagdan si Tanggol at ang demonyong si Pac habang nag-aagawan sa baril. Nakita niya na tumama ang ulo ni Tanggol sa kanto ng hagdan. Makapal na tiles ang hagdan. Iyon ang dahilan kaya marahil lumuwag ang pagkakahawak niya sa baril kaya nagawang makalabit ng demonyong si Pac. Tinamaan si Tanggol sa tagiliran.
Pero humanga pa rin si Jinky sa angking tapang ni Tanggol sapagkat kahit may tama ay nagawa pang lumaban sa demonyong si Pac. Buo ang loob ni Tanggol. Bihira ang katulad ni Tanggol na lumalaban hanggang sa huling patak ng dugo.
Mabuti na rin lang at agad niyang naisip na ihagis kay Tanggol ang Kamagong. Ito ang laging ginagamit ni Tanggol sa pag-aarnis. Nasalo ni Tanggol ang Kamagong at wala nang nagawa ang demonyong si Pac. Bulagta ito dahil sa dami ng hataw ni Tanggol. Buhay pa kaya ang masamang taong yun? Kung buhay, maaaring hindi pa tapos ang kanilang pakikipaglaban sa demonyo. Tiyak na gagawin ang lahat para makaganti. Tiyak na hindi ito titigil hangga’t hindi sila napapatay ni Tanggol.
Kaya naisip ni Jinky, kapag magaling na si Tanggol ay hihimukin niya ito na manirahan sa Maynila. SasaÂbihin niya kay Tanggol na mas mabuting sa Maynila sila para hindi na sila pakialaman ng demonyong si Pac. Ipagbibili na lang niya ang itikan. Gusto na niyang matahimik.
Nasa ganoong pag-iisip si Jinky nang dumating si Mulong. Ganoon na lamang ang pasasalamat ni Jinky nang malamang ligtas si Mulong.
‘‘Sinong kasama mo Mulong?’’
‘‘Si Tina. Nasa comfort room lang siya.’’
‘‘Sino ang nagligtas kay Tina, Mulong?’’
‘‘Mga pulis. Nahuli na rin ang mga bataan ni Pac. Tiyak na mabubulok sila sa kulu-ngan ngayon.’’
‘‘Si Pac. Nasaan na siya?’’
‘‘Patay na siya, Mam Jinky.’’
Ikinuwento ni Mulong ang nangyari kay Pac. Napatay ito ng PDEA agent dahil nang-agaw ng baril.
Nakahinga nang maluÂwag si Jinky.
“Salamat naman. NagbaÂyad din siya.’’
‘‘E siya nga pala, Mam Jinky, si Tanggol po, kumusta na siya? Nag-aalala ako sa kaibigan ko.’’
‘‘Ginagamot pa siya Mulong. Tinamaan kasi siya sa tagiliran. May sugat din siya sa ulo…’’
“Sana naman makaligtas siya.’’
‘‘Iyan ang pinagdarasal ko, Mulong. Mahal na mahal ko si Tanggol.’’
Nakatingin si Mulong kay Jinky. Hindi na nito napigil ang sarili. Naunawaan niya si Mam Jinky.
“Ano po ang nangyari sa ulo niya?’’
‘‘Nabagok daw. Sabi nga pala ng doktor, gugupitan nila si Tanggol para madaling tahiin ang sugat...’’
‘‘Gugupitan po si Tanggol? Naku mabubuking na siya.’’
‘‘Anong mabubuking Mu long?’’ (Itutuloy)
- Latest