^

Punto Mo

‘Tinapyasan’

- Tony Calvento - Pang-masa

DAHAN-DAHANG umuurong…umuusad…kumakain ng parte ng kanilang pinagpawisan.

Ganito ang pakiramdam ni Clarita Abulencia o Claire, 69 taong gulang, taga Quezon City laban kay Renato Constantino.

“Pati yung pag-aari namin aangkinin niya? Dinadaan-daan niya ako sa paglabas-labas ng kung anong dokumento. Pasiga-siga pa siya,” pahayag ni Claire.

Taong 1972 nang bilhin nila ang bahay at lupa sa Tondo, Manila sa halagang 3,000PHP sa biyenan na si Castor Abulencia. May numero itong 1838.

“Dalawa kaming bumili ng bahay. Yung kahati namin si Jorge Abulencia ang kapatid ng mister kong si Arturo,” kwento ni Claire.

May lawak na 139 sqm ang lupa at ang bahay naman ay 54 sqm. Nilagyan nila ng harang ang gitna ng bahay. Sa isang banda nakatira sina Claire habang sina Jorge naman sa kabilang dulo.

Si Jorge at Arturo ang nakapangalan sa ‘deed of sale’.

Noong 1986 umalis sina Jorge ng bansa para manirahan sa Amerika. Ang parte nila sa bahay ay naiwan kay Claire.

“Alam nilang pinaupahan namin yun. Sa amin na napupunta ang pera,” sabi ni Claire.

Taong 2001 nang mabili ni Renato Constantino ang katabi nilang bahay na pagmamay-ari ng kanyang bayaw na si Ricardo.

Nagkataon namang nagkasakit ang kanyang asawa kaya halos walong taong hindi tumira si Claire doon. Nang bumalik siya naisip niyang ipaayos ito.

Pinaalis niya ang umuupa sa kanya, nang hindi natinag si Norma Eustaquio nag-file siya ng kasong ‘Ejectment’ laban dito. Kalaunan napaalis niya din si Norma.

Tiningnan ni Claire ang pag-aaring bahay at kapansin-pansin ang pagkasira ng mga dingding nito. Nakita niyang may bagong gate sa ‘ground floor’ at may kandado. May nakaparadang kotse at sementado ang sahig. Si Renato umano ang nagpalagay nito.

“Inaangkin niya ang dulong parte ng bahay namin. Sabi niya kanya daw yun. Porke’t hindi nababantayan maiiba  na kaagad ang may-ari?” salaysay ni Claire.

“Nabili ko yan! Akin yan!” ang madalas umanong sabihin  ni Renato kay Claire.

Ang katabing bahay na hinati-hati sa ilang pinto ang pag-aari ni Renato. Katabing-katabi ng bahay na pag-aari ni Claire kaya kinukuha umano nito ang dulong parte. Ipinagwalang-bahala ni Claire ang ginawang pang-aangkin ni Renato dahil wala naman itong papel na inilalabas at pangalan ng asawa ang nakalagay sa ‘deed of sale’.

Hindi tumitigil si Renato sa pang-aangkin kaya nagpasya na si Claire na dumulog sa baranggay para ireklamo ito.

Kasong sibil ang kanyang isinampa laban kay Renato.

Ayon naman sa panig nina Renato may apat na unit na pagmamay-ari ni Castor Abulencia. May numero itong 1838 na ni-rerentahan noon ni Norma Eustaquio, isa sa may-ari si Arturo Abulencia. Ang unit 807 ay kay Jorge Abulencia, unit 809 kay Ricardo Abulencia at si Dario Abulencia ang nagmamay-ari ng unit 809-A.

Nang umalis si Jorge papuntang Amerika  ang unit 807 ay naiwan kay Ricardo Abulencia. Taong 2004 ibinenta ni Ricardo ang unit 809 kay Renato at noong April 27, 2007 ay ang unit 807 naman.

Parehong si Renato ang nagmamay-ari ng dalawang unit kaya pinalagyan niya ito ng ‘steel gate’ at kandado.

Buwan ng Mayo taong 2007 si Claire ay inakusahan si Renato ng Trespassing, Malicious Mischief at Damage to Property sa unit 807 kahit alam na nito ang bentahang naganap. Nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ni Claire at Ricardo. Hiniling ng punong barangay na i-dismiss ang kaso matapos magpaliwanag si Ricardo.

Hindi umano inokupa ni Renato ang unit 807 sa paraang pwer­sahan, pananakot, pagbabanta at lihim na paggawa dahil pag-aari niya ang dalawang unit.

Ang unit 1838 ay si Norma ang tumira at hindi si Renato bagay na nagpapatunay na walang dahilan para gumawa ng aksiyon si Claire laban kay Renato. Dininig ang kasong sibil na isinampa ni Claire at noong Nobyembre 25, 2009 lumabas ang desisyon. Pirmado ito ni Judge Tita Bughao Alisuag. ‘Dismissed’ ito dahil kulang ang ebidensiyang isinumite ni Claire.

Kahit na ganun ang naging resulta ng desisyon itinuloy pa din ni Claire ang kanyang balak na ito’y ipagawa. Enero 2013…kumuha ng mga trabahador si Claire para simulan ang pagpapagawa. Agad siyang kinontra ni Renato. “Hindi ka pwedeng magpagawa dahil nabili ko na yan!” sabi umano ni Renato sa kanya.

Walang nagawa si Claire kundi paalisin ang mga trabahador. Hindi  lang ito ang unang beses na pigilan sila ni Renato.

“Lagi niyang inilalabas yung papel na dismissed daw ang kaso. Ang gusto ko lang naman mapagawa ang bahay,” wika ni Claire.

Mariin ding sinabi ni Claire na ang dulong parte kung saan nakatira sina Jorge noon ang sinira at pinalagyan ng steel gate ni Renato.

“Unit 809, 809-A at 810 lang naman talaga ang mga pinto dun sa kanila. Walang 807, gawa- gawa lang nila yun. Katabing-katabi kasi ng bahay ko ang sa kanila,” pagsasalaysay ni Claire.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00 pm-4:00pm at Sabado 11:00 am-12nn) ang kwentong ito ni Claire.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kailangan maglabas sila ng kani-kanilang dokumento. Kung totoong may deed of sale si Claire nararapat lang na ipakita niya yun. Papel sa papel ang magiging labanan dahil sinasabi ni Renato na nabili niya ang lupa. Kung magpapalagay ka ng istruktura, pader o gate dapat sa sarili mong bahay at hindi sa bahay ng iba. Kapag ang isang lugar ay matagal na walang nanirahan hindi ibig sabihin maaari ka ng tumira at maglagay ng kagamitan. Pumunta ka ng Land Registration Authority (LRA) at ipakita mo ang iyong deed of sale kung pareho ang ‘technical description’ nung mga ‘boundaries’ ng iyong lupa. Humingi ka na rin ng ‘certified true copy’ ng lupa nitong si Renato at tingnan mo kung may nakain ba siya sa iyong lote, lumampas ba siya sa kanyang ‘property line’. Kung nangyari nga ito pwede mong sampahan ng kasong ‘Encroachment’ para maibalik sa ‘yo. Siguruhin mo lang na ang mga isusumite mo sa korte ay ang mga orihinal na certified true copy ng mga papeles. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213784392 (Pauline) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City

ABULENCIA

BAHAY

CLAIRE

JORGE

NIYA

RENATO

RICARDO

UNIT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with