EDITORYAL – Problema sa makina
ISINISISI sa precinct count optical scan (PCOS) machines ang pagkakaroon ng aberya nang nakaraang election. Umano’y 200 PCOS machines ang hindi gumana. May makina na ayaw tumanggap ng isinusubong thermal paper, may ayaw mag-print ng text at yung iba ay kailangan pang sundutin nang stick para magtuluy-tuloy ang pagpasok ng papel sa makina. Ang mga problemang ito ang naging dahilan kaya marami ang naatrasado sa pagboto. Mayroong inabot ng dalawa hanggang tatlong oras sa pila. Nakapagtataka na sa kabila na may nagkakaaberyang makina ay wala namang nakaantabay na technicians o kaya’y ekstrang makina para may maipalit.
Inamin naman ni Comelec chairman Sixto Brillantes, na hindi 100 percent na naging maayos ang election. Tiyak magkakaroon ng aberya kagaya ng mga makinang pumapalya pero sinabi niya na ang 2013 elections ang isa sa pinaka-matagumpay. Kung ikukumpara raw sa 2010 elections, mas matagumpay at mapayapa ang katatapos na elections. Nagpasaring din siya sa mga kritiko na tumigil na sa pagbatikos. Ayon kay Brillantes, may mga nagsasabing nagkaroon ng dayaan dahil sa hindi paggana ng PCOS machines. May nagsasabi pa na nagawa raw ang pandaraya dahil sa switching ng compact flash (CF) cards. Noong isang araw, nagbanta si Brillantes na kakasuhan ang mga naninira at nagsasabi nang walang batayan. Nagbanta rin si Brillantes na magbibitiw kapag napatunayan na nagkaroon ng dayaan.
Kung problema ang mga makinang ginagamit, dapat dito mag-concentrate ang Comelec. Bakit nagkakaaberya ang mga ito gayung dumaan naman sa testing bago ginanap ang election? Ano namang solusyon ang ginagawa ng supplier nitong Smartmatic?
Tatlong taon pa bago ang presidential elections, at sana bago sumapit ito ay maging maayos ang mga makina ng PCOS. Hindi na sana pumalpak katulad ng nakaraang election.
- Latest