10 utos ng kalinisan
KUNG may 10 utos ang Diyos, sa tingin ko ay kailangan din natin ng 10 utos ng kalinisan. Dahil magkakasama-sama ang mga nakatira sa isang bahay, madali kumalat ang mga sakit tulad ng ubo, tuberculosis, pagtatae, sore eyes at iba pa.
Heto ang mga payo para sa mga bata at matatanda:
1. Pagkatapos kumain, hugasan agad ang mga pinggan at baso. Huwag hayaang dapuan ng mga insekto.
2. Maghugas ng kamay bago kumain at bago maghanda ng pagkain. Hugasan maigi ang plato kapag nilagyan ng hilaw na karne.
3. Dalasan ang paglilinis sa loob ng bahay. Magwalis at maglampaso ng sahig, dingding at mga sulok ng bahay.
4. Maglinis din sa labas ng bahay. Magwalis sa bakuran at alisin ang mga nag-iipong tubig. Itapon ang mga basura.
5. Takpan ang mga butas ng inyong sahig at dingding. Puwede itong pasukan ng ipis, daga at surot.
6. Sa umaga, ibilad sa araw ang iyong higaan at kumot. Pinapatay ng araw ang surot at mikrobyo. Puwede ring paarawan ang sofa at kama paminsan-minsan.
7. Huwag dumura sa sahig. Kapag ika’y hahatsing o uubo, gamitin ang manggas ng iyong damit o panyo. Maghugas ng kamay pagkatapos suminga o umubo.
8. Kapag dudumi, gumamit ng kasilyas. Kung walang kasilyas, puwedeng ibaon ang dumi sa hukay. Ibaon ito sa lugar na malayo sa pinagkukunan ninyo ng tubig. Maghugas ng kamay pagkatapos dumumi.
9. Maligo at magsepilyo araw-araw. Gumamit ng sepilyo at toothpaste. Kung walang toothpaste, gumamit ng asin o baking soda. Mas mura ito.
10. Magkulambo habang natutulog. Ito’y para makaiwas sa kagat ng lamok at insekto.
Lahat tayo ay dapat sumunod sa 10 utos na ito. Ipaskil ito sa inyong bahay. Kapag malinis ang katawan, mas healthy at mas hahaba ang ating buhay.
- Latest