EDITORYAL - Leksiyon sa Boston Marathon bombing
ANG nangyaring pagpapasabog ng bomba sa Boston, Massachussets ay maaaring mangyari kahit saang lugar, kahit na rito sa Pilipinas. Ang terorismo ay sumisingaw kahit saan. Kahit pa sabihing mahigpit ang seguridad, gagawa at gagawa ng paraan ang mga terorista para maisakatuparan ang kanilang masamang balak. Hindi titigil ang mga terorista hangga’t walang nakikitang umaagos na dugo. Ganyan kasama ang nakatanim sa isipan ng mga terorista.
Tatlo ang namatay at 176 ang nasugatan nang dalawang bomba ang pinasabog sa finish line ng Boston Marathon noong Lunes. Ang bomba ay inilagay umano sa pressure cooker. Kabilang sa mga namatay ang isang 8-taong gulang na batang lalaki, isang 29-anyos na babae at isang Boston University graduate na babaing Chinese citizen. Kahapon, iniulat na dalawang lalaki na ang hinahanap kaugnay ng pambobomba. Nakunan ang dalawa ng CCTV.
Makaraan ang pambobomba sa Boston, nagkaroon naman ng paghihigpit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Binubusisi ang mga dala-dalahan ng pasahero. Humaba na naman ang pila sa airport. Pati ang Immigration authorities at ang Philippine Coast Guard ay naghigpit na rin. Lahat nang gamit ng pasahero ay hinahalungkat at pinaaamoy sa aso. Baka may makalusot na pampasabog.
Hanggang kailan kaya ang paghihigpit? Kapag lumamig na ang isyu sa Boston bombing? Sana hindi lang kapag may sumabog naghihigpit. Gawing regular ang paghihigpit para hindi malusutan. Tandaan na naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga terorista.
- Latest