EDITORYAL - Nasayang ang pagsisikap ng Comelec
N AKAKADISMAYA ang ruling ng Supreme Court sa kaso ng party-list groups na una nang dinisÂkuwalipika ng Commission on Elections (Comelec). Ang mga inalis sa listahan ay pinayagan ng Kataas-taasang Hukuman na makabalik makaraang makakuha ng status qou ante order. Nakaka-disappoint ang ruling sapagkat marami nang naubos na panahon si Chairman Sixto Brillantes at mga commissioners ukol sa party-list groups at sa isang iglap ay papayagan lang ng Supreme Court.
Mahabang panahon na ang iniukol ni Brillantes sa pagbusisi at pagsala sa mga nag-apply na party-list groups pero mawawalan pa lang ng saysay. Ayon kay Brillantes, wala siyang iniisip kundi linisin ang party-list system. Marami silang diniskuwalipika sapagkat hindi naman nagrerepresenta sa mga maliliit. Karamihan sa mga party-list group representative ay mayayaman at hindi naranasang maging mahirap. Katulad na lang ng party-list na nagrerepresenta sa mga security guard at tricycle driver. Ang kinatawan ay hindi naman naging sekyu at traysikel drayber. Mayroon ding party-list na ang kinatawan ay isang miyembro ng pamilya. Mayroong party-list na ang nirerepresenta ay isang rehiyon. Bakit kailangang irepresenta ang isang lugar gayung mayroon nang congressman o congresswoman doon?
Nakaiinis ang ruling ng Kataas-taasang Hukuman kaya hindi raw basta susuko si Brillantes. Mag-aapela raw sila sa ruling. Gagawin daw nila ang lahat para mapanatili ang kanilang pagnanais na maging malinis ang party-list system. Wala naman daw silang ibang hangarin kundi mapabuti ang party-list.
Naniniwala kami sa kakayahan ni Brillantes. Dapat lang na kung ano ang inalis ay iyon ang dapat mangyari. Kailan pa lilinisin ang party-list?
- Latest