Editoryal - Sadsad na naman sa Tubbataha
ILANG araw pa lang naaalis ang USS Guardian sa Tubbataha Reef, isa na namang barko ang sumadsad sa nasabing protected area. Ayon sa report, sumadsad ang Chinese vessels Min Long Yu sa silangang bahagi ng Tubbataha. Hindi pa malaman ang lawak ng idinulot ng pagsadsad ng Chinese vessel subalit sinasabing kasinglawak din ng pinsalang dulot ng Guardian.
Labindalawang mangingisdang Chinese ang dinakip ng Coast Guard at naka-detain na ang mga ito. Sasampahan sila ng kaso dahil sa nangyaring pagsadsad. Dahil malalaki ang alon sa lugar, walang tigil sa paggalaw ang barko kaya lalawak pa ang sira sa mga corals.
Hindi pa nakakapagbayad ang US Navy dahil sa pagsadsad ng Guardian, eto na naman ang problema. Ang Guardian ay tinatayang sumira ng may 4,000 square meters ng Tubbataha. Sa estimate, ang halaga ng mga nasira sa reef ay umaabot ng $5 million o katumbas ng P200 million. Ayon sa Tubbataha Reefs Natural Park Act of 2009 ang multa ay $300 o katumbas ng P12,000 bawat metro kuwadrado at karagdagang $300 para sa rehabilitasyon ng mga nasira sa reefs.
Kung ganito rin kalaki ang sinira ng Chinese fishing vessel, hindi ito dapat ipagwalambahala. Dapat ding singilin ang mga Chinese dito. Hindi uubra na basta nila talikuran ang ginawa sa reef.
Nakapagtataka naman kung bakit hindi nakita ng Coast Guard o mga nagbabantay sa Tubbataha ang pagpasok ng Chinese vessel at pagsadsad. Natutulog ba sila sa pansitan? Magkaroon ng imbestigasyon ukol dito.
- Latest