EDITORYAL - Laging may pag-asa
PAG-ASA ang sinasagisag ng Muling Pagkabuhay ni Hesus na ipinagdiriwang ngayon. Mula sa ma-tinding paghihirap at pagkamatay sa krus, nabuhay siya makaraan ang tatlong araw. Ang muling pagkabuhay na iyon ay malaking tagumpay para sa lahat nang mga naniniwala sa Kanya. Iyon ang nakikita malaking pag-asa ng mga mananampalataya. Sa kabila ng hirap, pagpapakasakit, pagtitiis at pag-kadapa, lagi nang mayroong pag-asa.
May pag-asa pa rin para sa mga ina na nawalan ng anak. Lalung-lalo na sa mga anak na dinukot at hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan. Ilang Pasko ng Pagkabuhay nang nawawala si Jonas Burgos, anak ng mamamahayag na si Jose Burgos. Dinukot siya ng mga armadong kalalakihan na mukhang mga sundalo sa isang mall sa Commonwealth Ave. noong Abril 2007. Mula noon, wala nang narinig kay Jonas. Pero ang kanyang ina ay naniniwalang matatagpuan si Jonas. Malaki ang kanyang pag-asa na buhay pa ang anak.
Malaki rin naman ang nadaramang pag-asa ng ina ng dalawang UP students na dinukot din ng mga hinihinalang sundalo sa Bulacan noong Hunyo 2006. Ilang Pasko ng Pagkabuhay na rin ang lumilipas mula nang dukutin sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno pero naniniwala ang kani-kanilang mga ina na makikita silang muli. Nagbibigay ng lecture sa mga magsasaka sa Hagonoy, Bulacan sina Cadapan at Empeno nang dukutin.
Malaki rin naman ang nadaramang pag-asa ng mga kamag-anak ng biktima ng Maguindanao massacre. Naniniwala silang mapapabilis ang pag-uusad ng paglilitis at makakamtan ang katarungan na ilang taon na ring ipinagkakait. Apat na taon na muli nang maganap ang karumal-dumal na massacre. Apat na Pasko ng Pagkabuhay na ang nakararaan at naniniwala silang sa mga susunod na pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ay makakamtan ang katarungan.
Silang lahat ay hindi nawawalan ng pag-asa. La-ging may pag-asa.
- Latest