Sa araw ng eleksiyon ang tunay na survey
MAY ilang kandidato ng Team P-Noy ang medyo tumataas na ang ere at kampante na sila ay mananalong senador. Biglang pumasok sa magic 12 ang senatorial candidates na sina Bam Aquino at Grace Poe. Bagsak sila sa mga survey bago magsimula ang campaign period.
Dapat tandaan na ang tunay na survey ay sa mismong araw ng eleksiyon. Dito pipiliin ng botante ang nais nilang ibotong senador. Ang masasabi ko lang mas nakalalamang na manalo sa eleksiyon sina Senators Loren Legarda, Chiz Escudero at Allan Peter Cayetano.
Wait and see pa kung ano ang magiging epekto ng stand off sa Sabah. Tatamaan ba ang mga boto sa Team P-Noy mula sa mga taga-Mindanao lalo ang mga kababayan nating Muslim. Mabigat ang mga ulat na minamaltrato ang mga Pilipino sa Sabah ng Malaysian forces dahil sa ginagawang pagtugis sa mga taga-suporta ni Sultan Jamalul Kiram.
Nakapagtataka at nakapasok sa survey ang pinsan ni P-Noy na si Bam Aquino na sinasabing malamya ang adbokasiya at isinusulong na plataporma. Maaaring naambunan lang si Bam Aquino ng popularidad ng kanyang pinsan na si P-Noy kaya tumaas ang rating sa pinakahuling survey.
Bukod kay Bam Aquino, nadamay din sa popularidad ni P-Noy si Grace Poe pero hindi sila dapat maging kampante. Batay sa mga nakaraang eleksiyon, mayroong mga nananalong senador na hindi naman nakakapasok sa magic 12. Isang halimbawa ay noong 2010 elections. Hindi naman nangunguna sa mga survey si Mayor Jojo Binay at katunayan ay si Mar Roxas at Loren Legarda ang magkadikit at naglalabanan sa pagka-bise presidente pero ang nanalo ay si Binay.
Kaya hindi dapat maging kampante ang mga kandidato kahit nangunguna sa mga survey. Ang tunay na survey ay sa mismong eleksiyon. Masyadong maaga pa para pag-usapan na makukuha ng administrasyon ang mayorya sa Senado dahil hindi pa tapos ang boksing. Hangga’t wala pang resulta ang eleksiyon walang kasiguraduhan ang lahat.
- Latest