Bicol (3)
MATAPOS ang snorkeling, nananghali lamang at nagÂpahinga ng kaunti at nagfishing na kami. Nirentahan namin ang Avilon Boat na siyang may slide sa ikalawang palapag nito upang dalhin kami sa isang bahagi ng karagatan kung saan maaari kaming mangisda for fun, kahit na pakakawalan din naman namin matapos makapagpalitrato. Napakaganda ng tubig. Napaka-kalmado at nakaka-relax. Nangisda kami sa paraang tradisyunal, gamit ang nylon thread lamang na may hook sa dulo at mga hipong pain. Si Ala lamang ang nakahuli dahil ang tagal palang mangisda, nakakaantok dahil parang dinuduyan ka ng bangka at hangin. Kaya nag-slide na lang kami!
Sa una ay nakakatakot at nakakaloka dahil bukod sa nasa gitna ka ng karagatan ay mataas ka pa! Tapos ang babagsakan ay hindi parang swimming pool na kita ang lapag at masisipa para makaakyat ka. Hindi, dagat yon! Nakakakaba at nakakanginig sa kaba pero dalawang segundo lamang at lumagapak na kami sa tubig!
Hindi namin nakita ang paglubog ng araw dahil nga umaambon-ambon noong araw na iyon. Pero alam n’yo ba kung gaano kabait ang Diyos ko? Bagamat hindi Niya ibinigay ang araw na masilayan namin, binigyan naman Niya kami ng mas maganda at mas espesyal na tanawin - ang rainbow. Kauna-unahang rainbow yata iyong nasilayan ni Gummy sa kanyang dalawang taon dito sa lupa. Nakaaaliw. Thank you Papa Jesus!
Siyempre nagtapos ang aming araw sa isang buffet na hapunan na naman dahil nga birthday ni Gummy at siyempre, inalayan naman siya ng Happy Birthday song at ng kanyang ikatlong 2nd Birthday cake ng waiters ng Spice Market Restaurant. Noong agahan naman ay binigyan siya ng pancake cake na nilagyan din ng kandila! Ang saya-saya ng kaarawan ng anak ko! Kung inyong igo-google ay makikitang may pagkamahal ang pag-book sa Misibis pero alam n’yo bang halos anim na buwan ko itong pinag-ipunan? Kasi kung gusto, marami at magagawan ng paraan. Imbis na party ay minarapat kong gumastos para sa isang bakasyon kung saan mapaparanas ko at maipakikita kay Gummy ang ganda ng buhay at ating bansa.
Kaya mga pare’t mare, hinihikayat ko kayong mag-ipon at mas gumastos sa mga bakasyon ng pamilya bilang regalo kaysa mga materyal na bagay. Habang tumatagal, mas gumaganda ang alaala ng mga bata sa mga ito, kaysa mga laruan na napagsasawaan kaagad nila.
Maraming salamat sa staff ng Misibis Bay lalo na kay Kuya Karl. Kahit ginto ang pag-stay sa inyong resort, sulit ang bawat piso dahil sa inyong mainit na pag-aasikaso sa amin.
- Latest