^

Punto Mo

‘Happily never after’

- Tony Calvento - Pang-masa

MAY mga pagkakataon na merong mga palatandaan para ikaw ay huminto, mag-isip ng mabuti subalit dahil masyado kang subsob sa sitwasyon hindi mo binibigyang pansin ito at patuloy ang pagsugod mo sa isang landas na isang patibong pala ang naghihintay sa ‘yo. Nagtungo sa aming tanggapan si Reginald “Reggie” Feliciano, 33 taong gulang, isang ‘tricycle driver’, taga Taguig. Inilalapit niya ang problema nila ng asawang si Rochelle mas kilala bilang “Chel”, 32 taong gulang, dating OFW. Taong 2000 nang una silang magkakilala ni Chel. Bente uno si Reggie nun isang sekyu at si Chel ay disinuebe at nag-aaral sa kolehiyo. Hindi na niya inisip na mapahiya at nilundagan niya ang pagkakataon na malaman ang numero ng cellphone ng babae. Nagsimula sila bilang mag-textmate hanggang sa magkapalagayan ng loob. Hatid sundo niya ito, pati kaibigan at pamilya nililigawan niya. “Kahit nagdyi-dyip lang kami masaya naman,” wika ni Reggie. Napanatag ang kalooban ng mga magulang ni Chel sa kanya kaya nang magpasya silang magpakasal pumayag ito kaagad. Ika-21 ng Abril taong 2002 sila ikinasal sa Holy Family Church sa Sta. Barbara Pangasinan. Nagkaroon sila ng isang anak. Nang matapos ang kontrata ni Reggie bilang gwardiya bumili silang mag-asawa ng pampasaherong tricycle. Si Chel ay nakatapos ng kursong BS Elementary Education at agad nagturo. Ilang trabaho din ang pinasok nitong si Chel tulad ng pagiging ‘sales lady’ sa Watsons sa loob ng tatlong taon. Pansamantala siyang huminto nang siya’y mabuntis. Pagkapanganak agad siyang humanap ng mapagkakakitaan at kumuha na lang ng yaya para magbantay sa anak. Taong 2009 nagpaalam siya kay Reggie. “Sa Hongkong daw siya pupunta papasok na domestic helper,” kwento ni Reggie. Nung simula hindi pumayag si Reggie pero pagkaraan napilit din siya ng asawa kaya pinayagan niya ito. “Inihatid ko sa agency hindi talaga sa airport, dun daw kasi sila manggagaling,” ayon kay Reggie. Mula nun sa text lang sila nagkakausap ni Chel. Minsan tumatawag ito para mangumusta at makausap ang kanilang anak.Dalawang taon ang naging kontrata ni Chel. Ika-6 ng Setyembre taong 2011 nang bumalik siya ng Pinas. Sa tatlong buwang pananatili ni Chel sa Pilipinas napansin ni Reggie na lumalamig na ito sa kanya. Bihira nang makipagtalik at madalas din nitong ipilit na babalik siyang Hongkong.“May irere-fund pa daw siyang application fee. Sayang din daw ang trabahong nag-aantay at ang oportunidad,” sabi ni Reggie. Ika-16 ng Disyembre 2011 hinatid ni Reggie ang asawa sa terminal ng bus. Kasama nila ang kanilang anak. Tumatanggi si Chel na dun siya ihatid sa agency. Kinabukasan nagtext ito na nakarating na siya ng Hongkong. Patuloy ang panlalamig ng pakikitungo ni Chel sa asawa bihira siyang magtext at tumawag hanggang sa mawalan sila ng komunikasyon. Hulyo taong 2011…biglang nagparamdam si Chel. “Nagulat na lang ako nung sabihin niyang naka-hold daw siya sa immigration,” sabi ni Reggie. Halagang 45,000PHP ang kailangan ni Chel. Na-ban siya dahil wala siyang working visa. Inireport siya ng amo sa kinauukulan nang lumipat siya ng mapagtatrabahuhan. Pinagbilinan din siya ng asawa na bawal ang cellphone dun kaya palihim lang ang kanyang pagtetext at hindi siya pwedeng tawagan. Ipinabebenta nito ang kanilang baka. Mabilis namang naghanap ng buyer si Reggie, nabili ito sa halagang 22,000PHP agad niyang inihulog sa bank account ni Chel sa Banco de Oro (BDO) ang pera. Paiba-iba ng numero si Chel kaya’t di niya alam kung paano ito makakausap. Muli silang nawalan ng komunikasyon.Kinontak lang siya nito ulit para sabihing kulang pa ang perang ipinadala niya. Ibinenta niya ang kalahating ektarya ng kanilang lupa. Pinadala niya ang tatlumpung libong piso sa pamamagitan ng Western Union. Gagamitin daw ni Chel ang pera para muling makapagtrabaho. Hindi dito nagtapos ang panghihingi ng pera ni Chel, hindi naman ito matiis ni Reggie kaya nakapangutang siya ng isang daang libong piso sa kanilang kapit-bahay. Ang OR/CR ng tricycle nila ang naging collateral. Oktubre taong 2011 niya ito ipinadala. Matapos ang dalawang buwan, Ika-28 ng Disyembre 2011…isang text ang natanggap ni Reggie mula kay Chel. “Dumiretso kami dito inihatid namin ang kasamahan naming nadisgrasya. Kailangan ko ng pamasahe.” Sa kagustuhang mabuo silang mag-anak sa darating na bagong taon agad nagpadala ng 1,500PHP si Reggie. Walang dumating na Chel. Lumipas ang bagong taon. Tinawagan niya ang numero pero hindi sinasagot ang kanyang mga tawag at text messages. Naisip niya lahat ng nangyari at dumating siya sa puntong napagtanto niya na siya’y niloloko ng kanyang babaeng minahal sa buhay. Hinuthutan ng pera at ayaw ng bumalik sa kanilang bahay…at sa kanilang anak. Tinalikuran na niya ang kanilang pamilya. Ika-apat ng Enero­ 2013 nang pinagtagpo ang kanilang mga landas sa bahay ng lola ni Chel. Gusto niya itong kausapin at hingan ng paliwanag pero sinagot siya ng “Magulo ang isip ko. Pabayaan mo muna ako.” Sinundan niya sa bawat sulok ng bahay ng kanilang lola. Ang ginawa ni Chel umalis na lamang basta para tuluyan siyang iwasan. Napag-alaman ni Reggie na may kinakasama ng ibang lalaki si Chel, kinilala itong si Jayson Fernandez. Nagsisikip ang kanyang dibdib, nagsusumigaw na kailangan niyang bigyan ng hustisya ang ginawang panloloko ni Chel. “Niyurakan niya ang aking pagkalalaki, sinira niya ang aming pamilya. Dapat siyang makulong para pagbayaran ang kanyang kasalanan.”

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwento ni Reggie. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo lahat ang kwento nitong si Reggie base sa kanyang salaysay talagang pinagplanuhan siya nitong si Chel. Hindi lamang itinigil niya ang kanyang pag-ibig para kay Reggie, inubos o kinuha ang lahat ng kanilang naipundar at iniwan na lubog sa utang. Hindi rin naman namin pwedeng isantabi ang katanungan kung bakit ganito na lamang ang laki ng galit nitong si Chel sa kanyang mister at nagawa niya ang mga ito. Pwede namang maghiwalay ng maayos, pag-usapan at pagkasunduan ang kinabukasan ng kanilang anak. Ayon kay Reggie wala siyang nakikitang dahilan para sapitin niya ang ganitong pagmamalabis sa isang babaeng minahal, pinagkatiwalaan at ginawang sentro ng kaniyang buhay. Maganda ring malaman ang panig nitong si Chel kung bakit ganito ang nangyari sa kanilang sumpaan sa harap ng altar na sila’y magmamahalan at magsasama pang habang buhay. Anong nangyari at nagbago ang lahat?

SA IBA NAMANG BALITA…

 Hindi na bumubuti ang  sitwasyon ngayon sa Sabbah. Naiparating nga sa akin ng kaibigan kong si Jack Enrile ang kanyang pangamba sa hindi na makataong inaabot ng mga kababayan natin doon. Tulad na lang ng “summary execution” sa mga pinaghihinalaang mga taga-sunod ni Sultan Kiram III ng Sulu na kagagawan ng mga Malaysian Security Forces. Sabi nga ni Jack hindi na ito katanggap-tanggap dahil halos isang buwan na ang  tagal ng kaguluhan sa Sabbah at maraming buhay na ng mga Pilipinong sibilyan ang  nadamay. Mungkahi niya sa ating gobyerno na hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa, at kailangan nang mapigil  ang karahasan. Oras na para kumilos upang hindi na lumala at hindi na masundan pa ang mga buhay na nawala. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming numero, 09213784392(Pauline) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Landline 6387285, 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

 

CHEL

IKA

KANILANG

NIYA

REGGIE

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with