Mahigit 20,000 Pinoys gustong maging astronaut
MARAMI rin palang Pilipino ang gustong maging astronaut. Umaabot sa mahigit 20,000 ang nag-apply sa kampanyang inilunsad ng deodorant company na Axe Philippines para makahanap ng unang astronaut na Pilipino.
Sinasabi ng isang mataas na opisyal ng Axe na kauna-unahan ito sa Pilipinas kaya ganoon karami ang nag-apply bagaman isa lang ang mapipili para makasama sa 22 astronaut mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo na ipadadala sa outer space.
Isinagawa rin ang kahalintulad na kampanya sa United Kingdom, Germany, the Netherlands, Russia, Turkey, South Africa, India, Indonesia, China, Japan, Vietnam, Australia, New Zealand, France, Canada, Brazil, Spain, Slovakia, Czech Republic at Hungary.
Sa Agosto sa taong ito, pipili ng 10,000 Pilipino mula sa kabuuang bilang ng aplikante. Mula sa 10,000 na ito, dalawa ang pipiliin para sumailalim sa apat na araw na pagsasanay sa Axe Apollo Glocal Space Camp sa Orlando, Florida, US. Sa dalawang ito, isa ang pipiliin sa Disyembre para maging kauna-unahang astronaut na Pilipino. Kasama ng Axe sa space program na ito ang international space travel agency na Space Expedition Corp.
Lumalabas na isa itong inisyatiba ng mga pribadong sektor. Hindi pa nga lang malinaw kung anong partikular na mga aktibidad na isasagawa ng 22 astronauts na ipadadala sa kalawakan. At saan sa kalawakan? Baka ipapailanlang sila sa orbit o papapasyalin sa International Space Station. O baka bahagi lang ito ng space tourism na inilulunsad ng mga pribadong sektor sa mauunlad na bansa.
- Latest