Taser gun ng pulis
MAY bagong aparato na ginagamit ang mga pulis panlaban sa mga kriminal. Ito ay ang stun gun o kung tawagin sa America ay Taser X26.
Ang Taser X26 ay isang armas (hugis baril) na tumitira ng darts sa biktima. Kaya nitong tamaan ang suspect na 15 hanggang 30 feet ang layo. Pagtama ng darts sa suspect, magbibigay ito ng malakas na kuryente.
Ang taong tinamaan ng taser ay pansamantalang mapaparalisa, titigas ang kanyang mga masel at makararamdam siya ng matinding sakit. Dahil dito, mawawalan siya ng kontrol sa kanyang paggalaw ng ilang segundo at babagsak siya sa lupa.
Masama ba ang Taser?
Ayon sa ilang pagsusuri, maliit lang ang posibilidad ng pagkamatay sa tamang paggamit ng Taser. Ngunit may ibang pagsusuri ang nagpapakita na kapag ginamit ang Taser sa isang taong nakainom ng alak, gumamit ng droga o may sakit sa puso, mas malaki ang tsansa na magdulot ito ng irregular na pagtibok ng puso at puwedeng humantong sa cardiac arrest o pagkamatay.
Kung ihahambing ang pinsala sa isang suspect na na-Taser kumpara sa isang taong nabaril, mas konti ang pinsala ng Taser. Dahil dito, ginagamit na ang Taser X26 ng mga pulis sa mara-ming parte ng mundo.
Ngunit, ayon naman sa United Nations Committee Against Torture (CAT), ang paggamit ng Taser ay isang paraan ng pag-torture at puwedeng makamatay.
Tips sa mga pulis:
Para maresolba ang isyu, may mga payo ako sa tamang paggamit ng Taser gun.
1. Asintahin ang Taser gun sa lugar na mas mababa sa puso. Kung puwede ay sa tiyan o paa patamaan.
2. Huwag tagalan ang pag-taser sa suspect. Mga 5 segundo lang o mas mabilis pa. Lagyan ng posas agad ang suspect.
3. Huwag ulit-ulitin ang paggamit ng Taser. Huwag gamitin ang Taser bilang pananakit kapag nahuli na ang suspect.
4. Puwedeng ipa-check sa doktor ang taong nagamitan ng Taser. I-check ang blood pressure at pagtibok ng puso.
5. Bantayan at obserbahan ng ilang oras ang suspect. Puwede silang mahilo at malito ng ilang oras.
6. Sana ay gamitin lamang ang Taser sa tamang paraan. Huwag abusuhin ito.
- Latest