Habulin ang Sabah
MAGANDANG pagkakaÂtaon ito sa Pilipinas para isulong ang paghahabol sa Sabah ngayong may tensiyon doon dahil sa nangyayaring standoff ng may 300 followers ng sultan ng Sulu.
Kung titingnan ang kasaysayan, malinaw na ang tunay na may-ari ng Sabah ay ang sultan ng Sulu dahil nagbabayad ng renta rito ang Malaysian government.
Pero ang paghahabol ng Pilipinas ay nararapat daanin sa diplomatikong pamamaraan at hindi gaya ng ginawa ng mga tagapagmana ng sultan ng Sulu na nagpadala ng mga armado sa Sabah. PinangaÂngambahan na mauwi sa pagdanak ng dugo ang pagtungo roon ng followers ng sultan.
Magkaroon ng mapayapang pakikipag-usap ang ating gobyerno sa gobyerno ng Malaysia ukol sa pag-angkin sa Sabah. Sa kabilang banda, mabuti na rin ang nangyaring paglusob ng followers ng sultan dahil nabuhay ang usapin sa Sabah. Ayon sa sultan ng Sulu, kung maibabalik sa tunay na may-ari ang Sabah, hindi lang naman sila ang maaaring makinabang dito kundi buong Pilipinas.
Pero malabong basta bitawan na lamang ng Malaysia ang Sabah dahil may malaki silang pakinabang dito, pero ang mahalaga, naÂlaman sa buong mundo na ang isla ay hindi nila pag-aari. Sana ay makipagnegosasyon na lang ang Pilipinas na kung hindi man mabawi ay makihati na lang sa mga ibinibigay ng benepisyo ng Sabah.
Mabuti at nabuksan ang usaping ito. Kahit papaano, hindi nagmula sa gobyernong Pilipinas at hindi naman siguro ito ikakasira ng diplomatikong relasyon sa Malaysia.
Kung gaano kapursige ang Pilipinas sa West Philippine Sea laban sa China ganito rin sana ang gawin sa pag-angkin sa Sabah. Iakyat ito sa United Nations para agad maresolba sa mas maayos at mapayapang pamamaraan.
- Latest