EDSA people power, gunitain ’wag ipagdiwang
DALAWAMPU’T PITONG taon na ang nakalilipas mula nang sumiklab ang EDSA people power revolution na nagpabagsak kay dating President Ferdinand Marcos. Pero marami sa mga lumahok sa EDSA ay nagsisisi at nanghihinayang dahil hindi naman nagkaroon ng pagbabago sa sistema ng gobyerno..
Pinabagsak si Marcos dahil sa umano’y katiwalian at pagsasamantala sa pondo ng gobyerno pero hanggang ngayon, ganito rin ang nangyayaring sistema sa pamahalaan.
Ang mga inaakusahang crony ni Marcos ay nakabalik sa kapangyarihan. Mismong ang pamilya Marcos ay nasa puwesto. Si dating Unang Ginang Imelda Marcos ay congresswoman samantalang ang kanyang mga anak na sina Bongbong at Imee ay senador at governor.
Ang sinasabing arkitekto ng batas militar na si Juan Ponce Enrile, ay Senate President ngayon at patuloy na tinitingala ng taumbayan. Naging presidente naman ng bansa si Fidel Ramos na noon ay hepe ng Philippine Constabulary. Si dating colonel Gregorio Honasan naman ay senador ngayon.
Maraming kilalang negosyante na umano’y nakinabang nang husto at nagpayaman sa panahon ni Marcos ay namama-yagpag din ngayon. Hindi pa rin naman nababawi ang mga sinasabing tagong yaman nila.
Ang EDSA revolution ay ginamit lang ng mga taong nagsulong nito para sa kanilang pansariling kapaka-nan lalo na sa kanilang estado sa pulitika at negosyo. Ang mga karaniwang mamamayan ay wala pang napapakinabang sa kabuhayan ng bansa. Lubog pa rin sa kahirapan ang maraming Pilipino. Patuloy na nadidismaya sa mga katiwalian na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng gobyerno at pulitiko. Ang isa lang napakinabangan ng taumbayan ay kalayaan sa pamamahayag. Mas nakinabang ang ilang opisyal ng gobyerno na nagsasamantala sa kaban ng bayan.
Bahagi na ng kasaysayan ang 1986 EDSA revolution kaya hayaang gunitain taun-taon pero hindi kailangang ipagdiwang dahil hindi naman nagkaroon ng tunay na reporma sa bansa.
- Latest