Editoryal - Nananatiling banta ang Abu Sayyaf
SA kabila na marami nang lider ng bandidong Abu Sayyaf ang napatay --- Abdurajak Janjalani, Khadafy Janjalani, Abu Sabaya, Kumander Robot at iba pa, hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang grupo at patuloy pa rin sa paghahasik ng lagim. Patuloy pa rin sa pangingidnap at kapag hindi natubos ng kaanak, ay pinapatay. Isang Amerikanong bihag na nakilaÂlang si Guillermo Sobero ang pinugutan ng ulo noong 2000. Sumunod na taon, dalawang lalaking guro ang pinugutan din ng ulo at ikinalat ang mga ito sa isang palengke sa Patikul, Sulu. Isang babaing bihag din ang tinapyasan nila ng suso. Sila rin ang bumihag sa mag-asawang Martin at Gracia Burnham. Napatay si Martin nang i-rescue ng mga sundalo.
Malupit ang Abu Sayyaf. Wala naman silang pinaglalabang adhikain o prinsipyo kaya itinatag ang grupo. Pera lang ang hangad nila kaya nangingidnap. Nakapagtataka lang kung bakit nakakakuha umano ng suporta sa Al-Qaeda movement. Hanggang ngayon umano, kahit napatay na ang founder ng Al-Qaeda na si Osama bin Laden, patuloy pa ring nakakakuha ng suporta at tulong ang mga bandido.
Huling binihag ng Abu Sayyaf ay ang Jordanian journalist na si Baker Atyani ng Al-Arabiya TV at ang dalawang cameramen na sina Ramelito Vela at Rolando Letrero. Binihag sila noong Hunyo 2012. Pinalaya na ang dalawang Pinoy noong Sabado. Wala umanong ransom na ibinigay ang dalawang Pinoy. Hindi naman malaman kung nasaan na ang Jordanian. Hindi na umano ito nakita ng dalawang Pinoy mula nang sila ay makidnap.
Patuloy sa paghahasik ng lagim ang mga bandido. Sila ang nakikitang problema kung kaya matamlay ang pag-unlad sa Mindanao. Kinatatakutang puntahan ng mga turista. Sa kabila na maganda ang Mindanao, pinapapangit ito ng mga bandidong Abu Sayyaf. Ang walang tigil na opensiba ng militar ang nararapat. Kung hindi mawawakasan ang paghahari ng mga bandido, walang katahimikan sa Mindanao.
- Latest