Nakaburol na matandang babae bumangon sa kabaong, mga naglalamay natakot
DINEKLARANG patay na ang 101-year-old na si Peng Xiuhua ng Lianjiang, China. Ayon sa dalawa niyang anak na babae na nag-alaga sa matanda, matagal nang nakaratay sa ospital ang kanilang ina dahil sa pagkakadulas nito. Makaraan ang 10 araw sa ospital, pinalabas na ito ng doctor. Ipinasya na nila itong iuwi sa kanilang bahay para doon na magpagaling.
Pero ganoon na lamang ang pagkagulat ng dalawang anak nang isang umaga ay magisnan nilang hindi na kumikilos ang kanilang ina. Matigas na ang katawan. Sinalat nila ang pulso. Wala na. Patay na ang kanilang ina.
Ipinasya nilang tumawag na sa punerarya para maisaayos ang katawan ng kanilang ina.
Nang dumating ang mga taga-punerarya, agad na pinaliguan ang bangkay.
Nang inilipat sa kabaong ang bangkay ganoon na lamang ang pagkagulat ng mga taga-punerarya at mga kaanak na nakikiramay sapagkat biglang bumangon at naupo sa kabaong ang matanda.
Nang makita umano ang mga tao sa paligid ay nagtanong ito kung bakit maraming tao. Ipinaliwanag ng dalawang anak ang nangyari sa kanya.
Sabi umano ng matanda, masuwerte siya sapagkat nakita niya kung gaano karaming tao ang nagmamahal sa kanya. Mabuti raw at nagising siya bago nadala sa crematorium.
- Latest