Panganib kahit sa shopping mall
HINDI pala ligtas sa hol-dap at pagkadamay dito kahit pa sa loob mismo nang malaking shopping mall.
Ang tinutukoy ko ay ang panghoholdap sa isang jewelry store sa loob ng SM Megamall noong Sabado. Ang SM Megamall ay isa sa pinaka-malaking shopping mall sa bansa na dinudumog ng publiko lalo kapag weekends.
Ang nakakapagtaka ay nakapasok ang mga holdaper na may dalang baril kahit pa may gun ban at mahigpit ang pagbabantay ng security guards sa SM Mega Mall. Sobrang lakas ng loob ngayon ng mga holdaper. Nauna nang nilooban ang isang banko at money changer sa Robinsons Galleria sa Ortigas.
Kahit sa loob nang malaking shopping mall ay hindi pala dapat maging kampante ang mga mamimili dahil posibleng magkaroon ng holdapan at madamay pa ang mga customer. Sa higpit ng security guards ay nakalusot ang mga holdaper at nakapagpaputok pa ng baril sa loob ng mall.
Ayon sa PNP, pagpapaliwanagin nila ang apat na security agencies ng SM Megamall dahil sa pagkakaroon ng kapabayaan sa seguridad. Siguro hindi lang security guards, pati mga pulis ay dapat ding pagpaliwanagin kung bakit hindi nila natunugan ang holdapan.
Sa pagkakaalam ko, may mga rumorondang pulis sa mga shopping mall para mabigyang proteksiyon ang publiko. Bakit mabagal ang responde at hindi agad naaresto ang mga suspek? Dapat papanagutin din ang may-ari ng SM Megamall dahil obligasyon nila na tiyakin ang seguridad ng kanilang customers na pinagkakakitaan nila. May posibilidad talaga na malusutan ang security guards sa shopping mall dahil ang gamit lang naman ng mga ito ay mga stick na panturo sa pagbukas ng bagahe. Hindi naman ito makaka-detect kung may dalang baril ang papasok sa mall.
Dapat gastusan ng shopping mall ang paglalagay ng mga equipment tulad sa mga airport na mahirap makalusot ang pagdadala ng baril, patalim at anumang armas na nakamamatay.
Dahil sa nangyari sa SM Megamall, dapat pag-isipang mabuti ng PNP ang sapat na koordinasyon sa security guards at mismong pangasiwaan ng shopping mall upang hindi maulit ang insidente.
Hindi lang ito ang unang insidente. Sa SM Pampanga ay isang binatilyo ang nakapagpasok ng baril sa loob ng mall at binaril ang kanyang boyfriend bago ito nagpakamatay. Nabisto na kapos sa kaalaman ang mga guwardiya dahil hindi agad naisugod ang mga biktima sa ospital. Kung mauulit ang mga ganitong insidente ay pag-isipang mabuti ng publiko kung dapat pa bang magsipunta sa mall? Dahil hindi rin pala ligtas dito sa anumang krimen.
- Latest
- Trending