Lampong (190)

HINAYANG na hinayang si Dick sa mga nakaraang relasyon. Siya ang may ka­salanan kung bakit nasira ang mga iyon. Ayaw niyang magpakasal at ayaw ding magkaanak. Pagkatapos niyang masimsim ang kasariwaan ng mga babaing nakarelasyon ay saka niya sasabihing ayaw niya ng kasal. Kinawawa lang niya ang mga babae maliban kay Puri na siya ang winalanghiya at kinawawa. Sa lahat ng mga babaing nakarelasyon, pinaka-mapait ang nangyari sa kanila ni Puri. Sayang talaga sina Sarah, Maritess, Gina, Charie, Jean, Susie at Carmi. Pinakawalan niya ang mga babaing ito na labis na nagmahal sa kanya. Sinayang niya ang relasyon. At ngayon siya ang kawawa. Nag-iisa na siya.

Pero sa isang banda, isang matinding leksiyon ang na­kuha niya sa ginawa ni Puri. Ang kawalanghiyaan at pandaraya ni Puri ang nagmulat sa kan­ya para malaman na masarap magpakasal at magkaanak.

Tama ang kanyang kuya. Sana sinunod niya ang kan­yang kuya noon nang ipayo na si Sarah na ang pakasalan sapagkat mabait na babae. Tigilan na raw ang pakikilampungan. Tama na ang pakikipaglaro at baka magsisi sa dakong huli. Nangyari na nga. Nasa huli talaga ang pagsisisi.

Hindi na muna siya iibig. Tama na muna ang pakiki-paglampungan. Aayusin niya ang buhay. Isusubsob niya ang sarili sa trabaho.

Ganoon nga ang ginawa ni Dick. Kinalimutan na muna niya ang pakikipag­relasyon. Tama na ang pag­lalaro ni Lampong.

Pinagbuti niya ang trabaho bilang artist sa sikat na magazine. Gabi na siya kung umuwi. Lalong sumikat ang magazine.

Hanggang sa makita ng management ang kanyang pagsisikap na mapaunlad ang magazine. Siya na ang ginawang Art Director.

Okey na sa kanya ang ga­noong buhay. Walang ka­lam­pungan. Maaari naman palang walang kalarong babae. Ma­kakatiis pala siya.

(Itutuloy)

 

Show comments