Simula ngayong araw na ito ipinagbawal na sa PNP ang pagpiprisinta ng mga nahuhuling suspects.
Layunin nito ayon kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas II ay upang hindi umano maakusahan ng paglabag sa karapatang pantao.
Ito naman ay base umano sa rekomendasyon ni PNP Director General Alan Purisima kasunod ng pagkakaaresto sa gunman ni Maconacon , Isabela Mayor Erlinda Domingo.
Kung tutuusin ilang chief PNP na ang nagpatupad ng ganitong kautusan. Ilang sandali lang nasusunod pero di naglalaon ay bumabalik din sa dating gawi.
Lalu na kung sa mga malalaking kaso.
Hindi lang naman ang mga opisyal ng PNP o unit na nakalutas o nakadakip sa mga kriminal ang gumagawa ng ganitong presentation ng suspect.
Minsan pumapapel din dito ang ilang mga politiko tulad ng mga mayor na sila ang mismong nagpiprisinta sa mga nadadakip.
Naungkat muli ang pagpapatupad ng ganitong mga panuntunan makaraang magkaroon ng kalituhan noong nakalipas na Sabado sa pagpiprisinta sa nadakip na umano’y gunman ni Maconacon Mayor Erlinda Domingo.
Naaresto ang suspect sa Culiat, Quezon City at sa unang media advisory dadalhin ang suspect sa Camp Aguinaldo para doon gawin ang presentation sa media.
Nakakapagtaka lang kung bakit sa Camp Aguinaldo ito ipi-present gayong pulis naman ang nadakip dito na dapat ay sa Camp Crame.
Naka-ready na umano ang lahat nang biglang mabago ang plano at sa Camp Crame na raw ito ipiprisinta.
Hanggang sa hindi naglaon ay hindi na itinuloy ang pagpipresent dito.