NAKARANAS na ba kayo nang matinding sakit ng ulo o kaya’y sintomas ng migraine habang nagsasalimbayan ang matatalim na kidlat sa inyong lugar?
Kung oo ang sagot n’yo, iyan ay dahil sa mga tumatamang kidlat. Ayon sa bagong pag-aaral na isinagawa ng mga scientist, sa mga lugar na madalas magkaroon nang matatalim na kidlat, tumaas ng 24 percent ang mga sumakit ang ulo at 23 percent nagka-migraine. Ayon sa pag-aaral, hanggang 25 miles ang layo (mula sa tinamaan ng kidlat) ang apektado ng pagsakit ng ulo. Kung mas malapit sa pinangyarihan ng kidlat mas malaki ang porsiyento na sasakit ang ulo.
Ayon pa sa pag-aaral kung ang isang tao ay dati nang sumasakit ang ulo o nagkaka-migraine, mas lalong lulubha ang kanyang mararanasang pagsakit. Nagti-trigger umano ang tama ng kidlat para sumakit ang ulo.
Ang electromagnetic waves ng kidlat ang nagiging dahilan umano ng pagsakit ng ulo. Nadadagdagan din umano ang air pollutants dahil sa pagtama ng kidlat.
Sabi ni Prof Vincent Martin pinag-aaralan pa nilang mabuti kung ano ang role ng kidlat at pati kulog sa pagsakit ng ulo. Sa mga susunod nilang pag-aaral ay inaasahan na nilang matutuklasan ito.