HUMANTONG na sa personalan at lumala ang alitan sa pagitan nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Minority Leader Allan Peter Cayetano na ang pinag-ugatan ay ang hindi pantay-pantay na pamimigay ng cash gift at dagdag na pondo ng mga senador partikular ang maintenance and other operating expenses (MOOE).
Nakakalula nga naman ang pamumudmod ng cash gift sa mga senador at mga empleyado nito. Katwiran ng tanggapan ng Senate President ay bunga ito nang malaking savings sa budget ng senado kaya’t sa pagtatapos ng taon ay pilit na inuubos at pinamimigay sa mga senador at empleyado nito.
Dehado ang iba pang mga empleyado ng gobyerno na maliit ang savings o wala kaya wala silang natatanggap na bonus o cash gift mula sa kanilang department samantalang ayun ang mga senador ay tig-P250,000 at ayon sa report, nakatanggap din umano ng tig-P100,000 ang mga empleyado bilang bonus noong Disyembre.
Kaya mabangung-mabango ang pangalan ni Enrile sa ilang senador at mga empleyado ng senado dahil sa pagiging galante. Pero teka Mr. Senate President, ang ipinamimigay mong pera ay pag-aari ng taumbayan na dapat pag-ingatan.
Masaya ang mga taga-Senado pero papaano naman ang iba pang empleyado ng gobyerno na mas mahirap ang trabaho. Tulad na lang ng mga guro sa pampublikong paaralan na napakaÂraming estudÂyanteng tinuturuan na minsan ay naaantala pa ang tig-5,000 cash gift.
Talo rin ang mga pulis at sundalo na nalalagay sa panganib ang buhay dahil sa pagtupad sa tungkulin samantalang napakaliit ng kanilang cash gift o bonus.
Mawalang galang na po sa mga taga-Senado, panahon na siguro na baguhin ang sistema sa savings at mga bonus sa gobyerno. Makakabuting pagsama-samahin ang lahat ng savings sa lahat ng departamento at ahensiya ng gobyerno kabilang ang sa lehislatura, hudikatura at ehekutibo na kapag ito ay napagsama na ay saka paghahatian ng pantay-pantay ng lahat ng mga manggagawa at opisyal ng gobyerno. Sa ganitong sistema ay tiyak na walang selosan at tampuhan na mas malaki ang natatanggap ng ibang empleyado.
Kung ayaw naman nila sa ganitong sistema ay makabubuting ibalik na lang sa kaban o national treasury ang savings ng bawat departamento at ipagbawal na ito ay i-convert bilang pang-bonus sa mga empleyado.
Sa hirap ng buhay ngayon at nagrereklamo ang gobyerno sa kakapusan ng pondo ay dapat nilang sinupin ang kani-kanilang budget na sana ay maibuhos sa pagbibigay ng sapat na serbisyo sa taumbayan.
Magandang nangyari ang birahan sa senado dahil nabisto natin kung gaano kaluho at kung gaano kawaldas ang Senado sa pondo ng bayan.