Teleserye sa Senado!

Umaariba at talagang sumasabay sa mga teleserye sa telebisyon ang away ng ilang mga senador.

Aba’y talagang bawat eksena sa araw-araw gaya ng sa mga teleserye ay kaabang-abang.

Sigurado kasing kapag nagpakawala ng salita ang isang senador sasagot at magpapakawala rin ng pahayag ang kanyang tinuturan.

Inaabangan ng maraming Pinoy ang palitan ng mga pahayag nina Senate president Juan Ponce Enrile at Senator Peter Cayetano. Hindi pa halos nakikita ang iba pang mga kaeksena na malamang sa mga nalalapit na araw ay lulutang na rin at makikisabay na sa balitaktakan.

Sa totoo lang marami ang naaaliw sa ginagawa nilang pagbabangayan, pero mukhang hindi naman ito nakabubuti sa Senado.

Kung nung una talagang nais ng ating mga kababayan na malaman kung saan-saan nga ba napunta ang pinagtatalunang mga pondo dahil pera ito ng taumbayan, ngayon mukhang luma­labas na ang mga personal pa palang mga atraso ng bawat isa.

Sumbatan ang nangyayari, at hindi na nagiging maganda sa mata ng marami, isipin pang mga respetado silang senador pero mukhang sila-sila ay hindi nagrerespetuhan sa nangyayari.

At ang nakakabagabag pa rito ay puro may kinalaman sa pera ang kanilang mga pinagta­talunan.

Dapat nang umaksyon ang mga senador sa mga nangyayaring ito, sila lang ang makakatapos ng ganitong sigalot sa kanilang hanay dahil baka tuluyang mawala ang tiwala ng taumbayan sa naturang sangay.

 

Show comments