Editoryal - Election gun bang! Bang! Bang!
MAHIGPIT na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril sa election period. Maski ang mga alagad ng batas ay hindi basta-basta makapagdadala ng baril lalo na kung siya ay hindi naka-uniporme. Kailangang may papeles o dokumento bago siya makapagdala ng baril. Ang sinumang mahuhulihan ng baril ay mabigat ang kaparusahan.
Maraming inilatag na checkpoint ang Philippine National Police (PNP) ayon na rin sa kautusan ng Comelec. Ito ay para na rin makasiguro na walang mangyayaring kaguluhan sa panahon ng election. Ayon sa PNP, maigting ang kanilang kampanya laban sa loose firearms.
Pero tila walang epekto ang kampanya ng PNP sapagkat marami pa ring insidente ng pamamaril. May mga tao pa rin na walang takot na nakapagdadala ng baril at pumapatay. Ito ba ang sinasabi ng PNP na tinututukan nila ang galaw ng mga masasamang-loob.
Noong Martes, dalawang malagim na pagpatay ang naisagawa. Una ay ang pamamaril na isinagawa ng isang Canadian sa Palace Hall of Justice sa Cebu City dakong alas-otso ng umaga. Pinagbabaril ng Canadian ang isang abogado, isang doctor at isang prosecutor. Patay lahat. Pagkatapos ng pamamaril, nagbaril sa sarili ang Canadian. Namatay siya sa ospital.
Ang tanong ay kung paano naipasok ng Canadian ang baril sa loob ng building? Di ba may gun ban?
Kinagabihan, dakong alas-otso ng gabi sa vicinity ng isang apartelle sa Quezon Avenue cor. Examiner St, QC, isang babaing mayor ng Maconacon, Isabela ang binaril sa ulo at napatay. Pababa sa sasakyan ang mayor nang lapitan ng gunman at barilin. Ayon sa pulisya, tinitingnan pa kung may kaugnayan sa pulitika o negosyo ang pagpatay.
Mayroong election gun ban sa kasalukuyan. Pero kakatwa na patuloy ang malagim na patayan. Bang! Bang!
- Latest