Lampong (184)

T AMA ang kuya niya na dapat hanapin niya si Sarah. Sa lahat ng mga babaing nakarelasyon niya kasama ang walanghiyang si Puri, si Sarah ang namumukod tangi. Kahit na hindi na virgin si Sarah, malalim din ang kanilang pinagsamahang dalawa. Mas malalim kaysa kay Maritess, Gina, Carmi, Susie, Jean at Charie na pawang nakarelasyon niya.

Hindi niya malilimutan si Sarah sapagkat nakilala niya ito dahil sa isang nakakatuwang karanasan. Sasakay si Sarah ng taxi nang makita niya na nabuslot ang takong ng sapatos sa takip ng drainage. Hindi mabunot ni Sarah ang takong sa pagkakasiyut sa siwang ng takip ng drainage. Nang akmang matutumba si Sarah, maagap siyang nakasaklolo at naalalayan ito. Iyon ang simula ng kanilang pagkikilala. Nagsama sila. Nagyayang pakasal si Sarah. Gusto na rin daw magkaanak. Ayaw niya. Hindi siya naniniwala sa kasal at ayaw din niyang mag-anak. Naghiwalay sila.

Ngayon niya na-realized na sayang si Sarah. Sana nakapag-isip-isip na siya noon pa. Sana hindi na niya napakawalan si Sarah.

Natatandaan pa niya ang tirahan ni Sarah sa Nagtahan. Makaraan nilang mag-break sinubukan niyang puntahan ito pero wala na raw doon.

Magbabakasakali siya ngayon na puntahan ang da­ting tirahan ni Sarah. Pagkalabas ng opisina, nagtaksi siya patungong Nagtahan.

Ganun pa rin ang itsura ng apartment sa Nagtahan. Nakita niya ang isang matandang babae na nasa may gate. May-ari yata.

“Dito po ba nakatira si Sarah?”

“Si Sarah? Matagal na siyang wala rito.”

“Alam n’yo po kaya kung saan siya nakatira ngayon?”

“Ang huli kong balita ay nasa Sta. Ana siya. Malapit sa simbahan. Ipagtanong mo na lang doon.’’

“Salamat po.’’

Nagtungo siya sa Sta. Ana kinabukasan. Sana makita niya si Sarah. Sana available pa siya. Hihingi siya ng tawad. Hahamunin niya ng kasal.

(Itutuloy)

Show comments