‘Artistahing fixer’
HINDI lahat ng maganda ay mabait at katiwa-tiwala.
Pagdududahan mo ba ang isang babaeng maputi… matangkad, malalim ang ‘dimples’ kapag ngumiti at ‘pag tinitigan mo ng matagal malaki ang pagkakahawig sa isang artistang si ‘Iza Calzado’? “Kapag nakita n’yo… talaga naman! ‘Di mo aakalain…†anya ni ‘Cel’. Ang itsura ng isang nagpakilalang Hazel Castro, nasa edad 30 mahigit ang naging batayan ni Sylvia Gampoy o “Cel†para magtiwala sa kanya sa pangalawa pa lang nilang pagkikita. Tubong Pura I, Tarlac si Cel. May isa siyang anak at hiwalay sa kinakasamang si Jun. Bata pa lang siya ng mamatay ang panganay na kapatid dahil sa sakit na Leukemia kaya siya na ang tumayong panganay sa bunsong kapatid na si Nannette. Isa na ngayong guro sa Isabela. “May sarili na ring pamilya ang kapatid ko kaya ako na lang ang naiwan para alagaan sila Nanay at Tatay,†kuwento ni Cel. Banat na sa trabaho si Cel. Dise nuebe anyos pa lang siya ng lumuwas ng Maynila para magtrabaho sa isang pabrika. Sa lungsod na ring ito niya nakilala si Jun. Isang Overseas Filipino Worker (OFW), balik-bayan nun. Sa edad na 27 anyos nagsama si Cel at si Jun na 23 taong gulang naman. Tumuloy sila sa mga magulang ni Cel na sina Rustico at Milagros. Isang taong huminto sa trabaho si Cel para alagaan ang kanilang anak. Sa loob ng apat na taon, nauwi sa hiwalayan ang pagsasama nila ni Jun. “Nambabae siya… nagkalabuan kami hangang ‘di na kami nagsama,†wika ni Cel. Naiwan kay Cel ang anak nila ni Jun. Kinailangan niyang bumalik sa trabaho. Nagsikap para sa kinabukasan ng anak. Lumuwas siyang muli ng Maynila at pinasok ang pagtitindera sa Pasig-Palengke. Tatlong libo kada buwan lang ang sahod ni Cel dito. Maliit na ang kita, stay-in pa siya. Dahilan kung bakit nung minsang samahan niya ang pinsang si Edelyn na maglakad ng papales papuntang Qatar naisip niya ring umalis ng bansa.
“Naiiwan din naman ang anak ko kina nanay, bakit ‘di na lang ako mag-abroad triple pa ang kita ko… mas magandang kinabukasan ang naghihintay para sa kanya,†pahayag ni Cel. Nobyembre 2012 nang nag-apply ang pinsan ni Cel na si Edelyn sa Zimar Int’l Manpower Services sa Perdro Gil. Bago pumasok ang buwan ng Disyembre nakaalis ng bansa si Edelyn. Dito niya unang nakilala si Hazel, ahente umano ng Zimar. Mas naenganyo si Cel sa bilis ng proseso kaya’t nagdesiyon siyang sumunod sa pinsan sa Qatar. “Sige, kapag nagkapera ka tutulungan kitang kumuha ng pasaporte,†pangako ni Hazel. Tinanong ni Cel kung magkano ang kakailanganin. Sagot sa kanya ni Hazel, “One-five lang… ako na bahalang pumila!â€
Maliban sa pag-iipon, pinakumpleto rin ni Hazel ang mga ID na balido ni Cel tulad ng Postal ID, Voter’s ID maging NBI Clearance at Birth Certificate na NSO Copy. Nagpa-skedyul din siya sa webpage ng Department of Foreign Affairs (DFA). December 7, 2012, 09:30 AM siya naka-skedyul. Dumating ang takdang araw, nakumpleto ni Cel lahat ng ito. Meron na rin siyang Php2,500. Isang libo para sa pamasahe pauwi’t pabalik ng Tarlac kasama na ang pagkain at ang halagang Php1,500 para kay Hazel, panglakad ng passport. Ika-6 ng Disyembre, gabi pa lang magkatext na sila. Ang usapan magkikita sila sa Genesis-Terminal sa Pasay…8:00 ng umaga. Alas otso impunto, nandun na si Cel. Naabutan niya si Hazel, naka ‘leggings’ at ‘long blouse’ na puting-puti, mukha raw kagalang-galang. “Halika na bawal tayo ma-late…mahaba ang pila sa DFA!†bati pa ni Hazel. Nahiya naman si Cel kaya’t bago dumiretso sa DFA nilibre niya pang mag-almusal si Hazel sa Chowking. “Iba na ang kuhaan ng passport ngayon… sa Asean na,†kuwento pa raw ni Hazel na para bang kabisado na ang pasikut-sikot sa loob. Namangha si Cel, bawat kuwento ni Hazel sa kanya siyang titig niya lang sa babae, Oo at tango dito. Mabilis silang pumunta sa Asean sa Macapagal Ave. Pagpasok dun, pinaupo si Cel ni Hazel at sinabing, “Diyan ka na lang! Antayin mo ako… ako na lang ang aasikaso. Babalikan kita!†Inabot ni Cel ang dalawang tig-isang libong perang papel at application form na pinrint niya sa online appointment scheduling sa DFA. “Ate, ibalik mo ang limang daan sa akin ah… pamasahe ko kasi yan pauwi,†paalala ni Cel. “Oo…†sagot ni Hazel at ngumiti. Alas 10:00 na wala pa rin si Hazel… dumating ang 12:00 ng tanghali at alas tres ng hapon wala pa ring Hazel na bumabalik. Dito na siya napaisip, “Naku! Naloko na!†sabi niya sa sarili. Nilapitan niya ang gwardiya. Nagtanong… “May nakita po bang kayong babaeng malalim ang dimples… yung artistahin? Hawig ni Iza Calzado? Sabi niya kasi babalikan niya ko!â€
Sagot ng gwardiya, “Naku! Mam naloko ka na! Magpa-blotter ka na sa PCP…†Walang kapera-pera si Cel kaya’t inabutan siya ng pamasahe ng gwardya. Dimiretso siya sa Pasay City Police (PCP) para mag-‘report’. Pinayuhan siya ng pulis na dumiretso sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Mandaluyong at dun humingi ng tulong. Bago pumunta sa DSWD, tinawagan niya ang Zimar, tinanong kung nandun si Hazel Castro, sagot daw sa kanya tatlong buwan na itong wala sa ahensya. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN). SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malinaw na naloko si Cel. Ilan lang si Cel sa mga kababayan nating nadala sa mga mapagsamantala sa labas ng DFA. Ang nakikita kong problema sa ilan sa atin ay yung hiya at takot na sila mismo ang gumawa ng proseso at maari rin namang gusto nilang i-‘shortcut’ ang lahat. Madali lang namang sundan ang mga ‘guidelines’ ng DFA at lalabas na mas mura pa dahil walang patong. Maliwanag namang sinasabi ng DFA na kailangan ng ‘personal appearance’ kapag kumukuha ng passport kaya’t kasalanan din ni Cel kung bakit nangyari sa kanya ang ganito. Sigurado akong si Cel ay hindi una at huling biktima ni Hazel hanggat hindi tayo natututo na tayo mismo ang gumawa.
Para sa ’yo naman Hazel sayang ang kagandahang ibinigay ng Panginoon sa’yo kung sa masama mo lang gagamintin. Maaari ka namang makahanap ng trabahong may magandang sweldo na ‘di ka matatakot na baka mabagsak ka sa kalaboso. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numer 09213263166(Aicel)/ 09198972854 (Monique) /09213784392(Pauline).Tumawag sa 6387285 at 24/7 7104038. Address: 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. (Lunes-Biyernes).
- Latest
- Trending