‘Suliranin’
SARI-SARING problema ang inilalapit ng ating mga kababayan sa tanggapan ng BITAG araw-araw. Iisa ang hangarin ng bawat isa, ang mabigyan ng solusyon ang kanilang suliranin sa anumang paraang maibibigay ng aming programa.
Dinaragsa ng mga kababayan natin linggu-linggo ang BITAG Headquarters para sa kanilang problema sa lupa, trabaho o iyong mga nangangailangan ng legal na tulong mula sa abogado at operatiba. Ang ilang humihingi ng tulong pinansiyal o tulong medikal ay inirerekomenda namin sa mga ahensiya ng gobyernong makakapagbigay sa kanila ng sapat na atensiyon.
Ang bawat problemang idinudulog sa aming tanggapan ay walang pagtangging iniimbestigahan ng BITAG at tinutulungan sa abot ng aming makakaya. Subalit kung minsan, maging ang mga personal na problema ay isinasangguni ng ilan sa ating mga kababayan para makahingi kahit man lamang payo.
Problema sa pamilya, o buhay-pag-ibig ang kadalasang ibinabahagi ng ilan sa pag-asang matapos na ang gumugulo sa kanilang isipan.
Isa ang maybahay na si Laila sa mga nabigyan ng tulong ng BITAG noong nakaraang taon. Inirereklamo ni Laila sa BITAG ang sapilitang pagkuha ng kanyang kinasakasamang si Reynaldo sa kanilang anim na taong gulang na anak. Mula Palawan kung saan sila nakatira, dinala ni Reynaldo ang bata sa bahay niya sa Maynila.
Ayon sa Article 213 ng Family Code of the Philippines, ang batang edad pitong taon pababa ay nasa kustodiya dapat ng ina.
Dahil dito, matagumpay na naikasa ang isang rescue operation sa pakikipag-ugnayan ng BITAG sa Women and Children’s Protection Desk upang muling mabawi ni Laila ang anak mula sa dati niyang kinakasama.
May pagkakataon ding isang lalaking nangangatog sa takot ang lumapit sa BITAG upang humingi ng tulong hinggil sa limang taong pagbabanta sa kanyang buhay.
Nang tanungin ang dahilan ng pagbabanta, inamin niya na naging karelasyon niya ang asawa ng lalaking nagbabanta sa kanyang buhay.
Dahil dito walang pag-aalinlangan ko siyang pinalarga agad paalis ng aming tanggapan maÂtapos marinig na ang ugat ng kanyang problema ay dahil din sa kanyang pangangaliwa sa sariling asawa at pakikialam sa asawa ng iba.
Paalala ng BITAG sa lahat na masusing sinasala sa aming tanggapan ang mga problemang inilalapit sa amin. Ang mga problemang inihihingi ng tulong na may kaugnayan sa pangangaliwa lalo na kung kasangkot dito ang nagÂrereklamo ay hindi kinukunsinti ng BITAG.
- Latest
- Trending